Delivery riders poproteksyunan ni Sen. Lito Lapid; ‘di makatarungang order cancellation may parusa

Imahe mula sa PNA
  • Lito Lapid naghain ng panukalang magbibigay proteksyon sa mga delivery riders laban sa kanselasyon ng order
  • Sa ilalim ng panukala ay inaatasan ang mga kumpanya na magkaroon ng reimbursement scheme na pabor sa mga delivery riders
  • May parusang kulong at multa naman sa mga mahihilig magkansela ng order nang walang magandang dahilan

Naghain ng panukalang batas si Senator Manuel “Lito” Lapid na naglalayong proteksyunan ang mga delivery riders sa pamamagitan ng pagre-require sa mga food and grocery delivery service providers na magkaroon ng reimbursement scheme para sa mga kanselasyon ng order.

Imahe mula sa PNA

Ilang buwan na ang nakalilipas mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic, at ang mga tao ay napilitang manatilli sa mga tahanan at iwasan ang mga matataong lugar na dati nilang madalas puntahan tulad ng restaurants at grocery stores.

Upang matugunan ang pangangailangan tulad ng pagkain at mga gamit sa bahay, maraming mamamayan ang nagpapa-deliver ng mga ito kung saan ang mga delivery riders ang nagsisilbing frontliners na sumusuong sa panganib na dala ng pandemya upang mabili at maihatid sa kanila ang mga in-order.

Nakalulungkot lang na maraming delivery riders ang nabibiktima ng mga ‘di makatarungang order cancellation o kung minsan ay ng “no show” customers.

“Masakit isipin na sa kabila ng panganib na hinaharap ng mga delivery rider para lamang makapagserbisyo sa mga customer at kumita ng maliit na halaga, sa huli, sila pa ang naloloko. Bukod sa nasasayang ang oras at salapi ng mga riders dahil sa pagkansela ng order, ang mas malala pa, may mga pagkakataon na ni hindi matunton ang address ng nanlokong customer dahil sa fake address. Hindi tuloy sila mapanagot at naiiwang lugi at abonado ang mga delivery riders,” sabi ni Sen. Lapid.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Sa ilalim ng Senate Bill 1677, ang mga service provider companies ay dapat magkaroon ng reimbursement scheme na pabor sa mga delivery riders bilang proteksyon sakaling ma-cancel ang kumpirmadong order. Dapat ay maibalik ang pera ng rider sa loob ng isang araw lang.

Kailangan ding ipatupad ang “Know-your-customer” rule. Kabilang dito ang pagsumite at beripikasyon ng proof of identity at residential address, alinsunod sa Data Privacy Act of 2012, upang mabilis na makakolekta sa mga customers na nagka-cancel ng order.

Imahe mula sa Facebook account ni Natdemzon Lazo Pagkulangan

“Sa hirap ng buhay ngayon lalo’t nasa gitna tayo ng pandemya, lahat naman tayo ay gustong kumita. Kaya humahanga tayo sa mga gaya ng service riders na gumagawa ng paraan para kumita sa legal na paraan at malaki pa ang naitutulong nila para hindi na lumabas ng bahay ang ating mga kababayan. Kaya para masiguro na hindi na sila maloloko pa ng mga biglaang pagkansela ng order, dapat masiguro na ang mga umoorder ay magbibigay ng totoong pangalan at address,” paliwanag ng senador.

Sa panukala, may katapat na kaparusahan sa mga magkakansela ng mga confirmed orders na inabonohan na  ng delivery riders. May kulong at multa sa magka-cancel ng confirmed orders ng tatlong beses sa loob ng isang buwan.

Ang mga service provider companies naman na bigong makapagpatupad ng reimbursement scheme ay papatawan ng multang hanggang kalahating milyong piso.

Screenshot mula sa RidesafepapsTV video

Loading…