DepEd naghahanap ng mga “para-teachers” at volunteer educators

  • Inihayag ng DepEd na naghahanap at tumatanggap sila ng mga para-teachers at volunteer educators
  • Sila ay magiging katuwang ng mga mag-aaral para sa bagong paraan ng pagtuturo 
  • Ang para-teachers ay tumutukoy sa instructional assistant, educational assistant, teacher’s aide o classroom assistant

Naghahanap ang Department of Education o DepEd ng mga para-teachers at volunteer educators na daragdag sa mga magiging tutor o tagapagturo ng mga mag-aaral para sa blended learning approach na magiging dulog ng pagtuturo sa “Bagong Normal.”

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, makatutulong umano ito sa mga magulang upang maging gabay sa kanilang pagpatnubay sa kanilang mga anak, sa implementasyon ng mga bagong paraan ng pagtuturo dulot na rin ng krisis sa pandemya.

Aniya, “We’re recruiting them, we’re also asking for volunteer teachers.”

Public Domain Image

Ayon sa pagpapakahulugan ng mga dalubhasa sa edukasyon, ang para-teachers ay tumutukoy sa instructional assistant, educational assistant, teacher’s aide o classroom assistant, na nagbibigay ng assistance sa mga mag-aaral.

Batay naman sa panayam ng Manila Bulletin kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, susubukin umano ng kagawaran na  makiusap sa mga local government units na payagang kunin ang magiging suweldo ng mga para-teachers sa Special Education Fund o SEF na nakalaaan sa bawat LGU’s.

Nakasalalay din umano sa matinding pangangailangan ng mga mag-aaral ang paghahanap ng mga para-teachers at volunteer teachers.

Subalit pagdidiin ni Briones, bagama’t may mga para-teachers na maaaring makatulong sa pag-unawa sa mga aralin, mas kinakailangan daw ang tulong mismo ng mga magulang upang maging matagumpay ang bagong modality ng pagtuturo. Bilang solusyon, nagsasagawa ng programa ang DepEd na magbibigay ng oryentasyon sa mga magulang hinggil sa bagong modality o paraan ng pagtuturo at pagkatuto.

Nakipag-ugnayan din ang DepEd sa LGU’s upang matiyak na malinis at sanitized ang mga hard copy materials katulad ng modules na kukunin ng mga magulang sa mga paaralan,  bilang alternatibo sa mga mag-aaral na walang kapasidad na lumahok sa online classes.

Public Domain Image

“We’re taking all the precautions possible – covering all the challenges that we need to deal with – in a limited amount of time,” ayon sa kaniya.

Sa mga nagnanais na mag-apply para sa mga posisyon, makipag-ugnayan lamang sa Division Office ng DepEd sa inyong lugar.

Loading…