DILG iginiit na ligtas ang ‘barrier’ na mungkahi ng IATF sa mga backrider

Mga imahe mula sa DILG-NCR
  • Iginiit ng DILG na ligtas ang barrier na ipinagagamit sa mga motoristang may angkas
  • Aprubado umano ito ng mga eksperto at ng LTO
  • Huwag rin daw kalimutang magsuot ng face mask at crash helmet

Pinawi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang agam-agam ng publiko sa ‘physical barrier’ na kailangang gamitin ng mga couple para payagan ang angkas sa motorsiklo.

Ayon kay DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya, ang naturang disenyo ay nasuri na ng mga eksperto at aprubado na rin sa Land Transportation Office (LTO).

Imahe mula sa DILG-NCR

“Ito po ay nasuri din ng ating mga eksperto at maging ang Land Transportation Office ay suporta po sa paglalagay ng physical barrier. We do not see this as a possible safety concern,” ani Malaya sa isang press briefing nitong Biyernes.

Nitong araw din ng Biyernes, Hulyo 10, pinayagan ng pamahalaan ang magkaangkas sa motorsiklo sa ilalim ng ilang kondisyon. Para sa mag-asawa kailangan lang nilang magdala ng marriage certificate para patunayan ang kanilang relasyon.

Imahe mula sa DILG-NCR

Para naman mga magpartner o magkasintahan, kahit na anong kasarian, kailangan lamang nilang patunayan na magkasama sila sa isang tirahan.

Giit pa ni Malaya, importanteng maging maingat palagi sa pagmamaneho ang mga motorista kahit na may barrier upang maiwasan ang aksidente sa daan.

“Kailangan lang din po talagang maging maingat kasi kahit wala pong physical barrier, ay meron po talagang nangyayari na aksidente pag tayo ay nakamotor as compared kung ang gamit natin ay four-wheeled,” paalala ng opisyal.

Imahe mula sa DILG-NCR

Huwag din umanong kalimutang magsuot ng face mask at crash helmet ang magkaangkas para iwas-disgrasya at iwas-huli na rin.

Magugunitang kinuwestiyon ng grupo ng mga motorista ang disenyo ng barrier na inaprubahan ng IATF. Hindi umano ito ligtas at maaari lang magdulot ng kapahamakan sa daan.

Loading…