DITO maaaring bawian ng prangkisa kapag sumablay sa ipinangako – Poe

Imahe mula sa Wikipedia
  • Maaaring bawian ng prangkisa ang DITO kapag nabigo itong tuparin ang kanilang pangako
  • Humingi ng palugit ang DITO matapos mapaso ang kanilang deadline nitong Hulyo
  • Sa ngayon ay kulang na kulang pa ang bilang ng cell site na naitayo ng third telco

Pinaalalahanan ni Senador Grace Poe ang bagong telco player na DITO na posible umanong mabawian ng prangkisa kapag nabigo itong tuparin ang kanilang naipangako sa gobyerno.

Ayon kay Poe, chairperson ng Senate Public Services Committee, kailangang magtayo pa ng maraming cell site ang DITO upang mapunuan nito ang ipinangakong bilang ng tower base sa kanilang natanggap na prangkisa.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Grace Poe

“By July of next year, kung hindi pa sila talagang nakakapagbigay ng kanilang mga prinomese, e maaari na talagang bawiin ‘yung kanilang prangkisa,” wika ni Poe sa panayam ng DZMM Teleradyo.

Sa ilalim ng prangkisa ng DITO, kailangan maabot ng kanilang serbisyo ang 37% ng populasyon na mayroong average minimum internet speed na 27 megabits per second (Mbps). Kailangan din nilang makapagtayo ng 2,500 operation cell tower sa loob ng isang taon.

Ang orihinal na deadline na ito ay napaso na nitong Hulyo. Subalit humingi ng palugit ang DITO ng karagdagang 6 na buwan dahil sa problemang dulot ng pandemiya. At ang anim na buwang palugit ay maaari pang i-extend ng karagdagang 6 na buwan pa, ayon sa mambabatas.

Imahe mula sa Facebook

“Sa ngayon, nakalusot pa ang DITO, so bibigyan sila…by January puwede na silang mag-commercial launch. So tignan natin. January yung first six months. Pagka hindi pa sila nag-ano dun, medyo meron pa silang six months yun ang pagkakaintindi ko. So babalik na naman ng July (2021),” ani Poe.

Sa kasalukuyan, mayroon pa lamang umanong 600 cell tower na naitatayo ang DITO; malayo sa 2,500 na dapat nilang kumpletuhin base na rin sa prangkisa.

Bukod dito, mayroon din umanong P25-B na performance bond ang nasabing telco na kailangan nilang bayaran sa pamahalaan oras na mabigo ito sa kanilang ipinangako.

Dennis Uy| Imaeh mula sa Udenna

“Kailangan natin ipatupad yan dahil kung hindi walang maniniwala na sa mga kontrata sa gobyerno at sasabihin ‘Bakit yan pinalusot?’” ayon sa senadora.

Ang DITO ay isang consortium sa pagitan ng Udenna Corporation ni Dennis Uy, Chelsea Logistics and Infrastructure, at ng China Telecommunications Corporation. Ito ang inaasahang bubuwag sa duopoly ng dalawang higanteng telco sa bansa – ang PLDT at Globe.

Loading…