DOH nagbabala sa bumibili ng plasma; ilegal at puwedeng magkasakit ang pasyente

Imahe mula sa DF Balita
  • Nagbabala ang DOH sa mga ilegal na bumibili ng plasma
  • Delikado umano ito dahil maaaring magdulot ng sakit sa pasyente
  • Umapela rin ang DOH sa publiko na patuloy na mag-donate ng dugo

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga bumibili ng plasma para sa mga pasyente ng COVID-19 matapos lumabas sa mga ulat na marami umanong nagbebenta nito sa napakalaking halaga.

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, bukod sa ilegal ito maaari pang magdulot ng sakit sa pasyente dahil hindi dumaan ang plasma sa pamantayan ng mga ospital.

“Ayaw natin ‘yung ipinagbebenta o pinababayaran ang dugo, gusto natin naii-screen muna ang mga pasyente bago sila makapagbigay ng dugo,” wika ni Vergeire.

Imahe via Connecticut Public Radio

Magugunitang napabalita kamakailan ang pagbebenta ng plasma ng mga COVID-19 survivor ng aabot  sa halagang P80,000. Laganap umano ito sa Central Visayas na itinuturing na ngayong ‘epicenter’ ng coronavirus sa bansa dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso doon.

Nakiusap din ang DOH ssa publiko na mag-donate ng dugo dahil malapit na sa ‘critical level’ ang supply ng mga ospital bunsod na rin ng pagtaas ng bilang ng mga taong nahawaan ng coronavirus.

“We are very challenged dahil alam naman natin na ang pagkuha o itong voluntary blood donation program, medyo nagkaroon tayo ng pagbaba ng nagbibigay dahil nga dito sa ating hinaharap sa sitwasyon ngayon,” ani Vergeire sa isang panayam sa radyo.

Usec Vergeire| Imahe via DOH Facebook

Bagama’t mayroon pa umanong natitirang supply sa Philippine Blood Center at sa iba pang blood center sa bansa, ayaw nilang umabot sa critical level ito.

“Meron pa namang natitira,” ani Vergeire. “Ang sa atin lang ayaw nating aabot tayo sa level na talagang walang wala na.”

Umapela rin ang DOH sa mga lokal na pamahalaan na tulungan silang patuloy na maghanap ng mga donors bago pa man magkaroon ng problema sa supply.

Loading…