Donita Nose kinumpirmang nagpositibo siya sa COVID-19

Screenshot mula sa YT video ng Wowowin
  • Kinumpirma ni Donita Nose na nagpositibo siya sa COVID-19
  • Kasalukuyan siyang naka-isolate ngayon sa isang pagamutan
  • Nagpaunlak umano siya ng interview para ipaalam ang kaniyang sitwasyon sa kaniyang mga nakasalamuha

Kinumpirma ng comedian-host na si Donita Nose na nagpositibo siya sa coronavirus matapos lumabas ang resulta ng kaniyang swab test.

Sa panayam ni Nelson Canlas ng GMA News nitong Lunes nang gabi, sinabi ng komedyante na umaga ng araw ding iyon lumabas ang kaniyang test result kaya siya ay kasalukuyang naka-confine sa emergency room ng isang pagamutan.

Screenshot mula sa GMA News video

Kuwento ng Wowowin host, medyo nahihirapan siyang labanan ang sakit dahil mag-isa lang siya sa ospital.

“Mag-isa akong lumalaban dito ngayon, as in wala akong kasama, magsi-CR ako, ako lang,” anito.

Kahit umano sa pag-ihi ay nahihirapan siya dahil hinahabol niya ang kaniyang paghinga. Ganun daw kasama ang kaniyang nararamdaman.

Ilang araw din daw naramdaman ni Donita ang sintomas ng coronavirus tulad ng lagnat, pagtatae at ubo.

“Parang nakita ko lahat yung mga symptoms ng COVID is parang nandoon siya,” patuloy ng komedyante.

Sa ika-8 araw, doon umano niya naramdaman ang konting hirap sa sa paghinga.

Screenshot mula sa YT video ng Wowowin

Nagpaunlak si Donita, o Ogie Solano sa tunay na buhay, na kapanayamin para maipaalam ang kaniyang sitwasyon sa ibang nakasalamuha niya bago pa man nakumpirmang dinapuan nga siya ng virus. Ilang linggo na ring hindi lumalabas ang komedyante sa Wowowin bago lumabas ang mga sintomas ng sakit.

Samantala, nagpapasalamat naman si Donita kay Willie Revillame na isa umano sa mga unang nagpaabot ng tulong sa kaniya.

Ilang celebrities na rin ang tinamaan ng COVID-19 maliban kay Donita. Kabilang na dito sina Michael V., Iza Calzado, Christopher De Leon, Sylvia Sanchez, at Divine Lee.

Katulad ni Donita, si Michael V. ay kasalukuyan pa ring nakikipaglaban sa virus habang ang iba namang nabanggit na artista ay pawang gumaling na.

Panoorin ang panayam kay Donita Nose:

Loading…