Driver ng Ferrari pinagmulta ng P150 dahil sa paggamit ng EDSA bus lane

Imahe mula sa Facebook ng IACT
  • Pinagmulta ng P150 ang driver ng Ferrari na nahuling gumamit ng EDSA bus lane
  • Ito ay para sa violation na “disregarding traffic signs and endangering the riding public’
  • Ayon sa ulat, taga-Bataan ang 26-anyos na nahuling driver

Natiketan ang driver ng isang mamahaling kotse matapos gamitin ang busway sa EDSA nitong nagdaang weekend.

Ayon sa Facebook post ng InterAgency Council for Traffic – IACT, nahuli ang silver Ferrari 488 GTB habang binabaybay ang bus lane malapit sa Guadalupe Bridge bandang 6:30 ng hapon noong Sabado. Ang sasakyan umano ay papunta sa direksiyon ng Makati (southbound).

Imahe mula sa Facebook-IACT

Pinagmulta ang driver ng sasakyan ng halagang P150 bilang parusa sa violation na “disregarding traffic signs and endangering the riding public”.

Dapat umano ay P1,000 ang karampatang parusa sa nasabing paglabag subalit pansamantalang binabaan ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang konsiderasyon sa mga motorista ngayong panahon ng pandemiya.

Isanlibong piso man o P150, ito ay barya lamang sa halaga ng Ferrari na ang presyo ay tinatayang aabot sa P20 milyon hanggang P30 milyon.

Base sa ulat ng Inquirer, ang driver ng nahuling sasakyan ay isang 26-anyos na lalaki na taga-Bataan, base na rin sa ipinakitang driver’s license. Hindi naman sinabi ng lalaki kung bakit siya nasa dedicated bus lane ng EDSA.

Imahe mula sa Facebook-IACT

Samantala, sinabi kamakailan ni MMDA spokesperson Celine Pialago na hindi bababa sa 1,000 ang mga sasakyang nahuli ng pinagsanib na puwersa ng kanilang ahensiya, IACT at ng Highway Patrol Group (HPG) dahil sa kaparehong violation simula nang magbukas ang EDSA busway sa publiko noong Hunyo 1.

Halos kalahati umano sa mga nahuli ay empleyado ng gobyerno o kaya ay nagmamaneho ng mga sasakyang nakarehistro sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Loading…