Duque nilinaw ang pahayag na ‘na-flatten’ na ang COVID curve simula Abril

Imahe mula sa Facebook
  • Matagumpay daw na na-flatten ang curve ng COVID-1 simula pa noong Abril, ayon kay Duque
  • Ang basehan umano nito ay ang pagbagal ng ‘case doubling time’ at ‘mortality doubling time’
  • Ito daw ang nagbigay ng pagkakataon sa kanila upang pag-ibayuhin ang paghahanda

Nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III ang nauna  niyang pahayag na ‘matagumpay’ umanong napababa ang infection ng coronavirus sa bansa simula pa noong Abril matapos mabatikos ng iba’t-ibang sektor ang kalihim.

Ayon kay Duque,  ang ibig niyang sabihin ay nailiko natin ang ‘epidemic curve’ matapos magpatupad ng lockdown noong Marso 17, 2020.

“Noong April, yung curve natin imbes na pataas, lumiko. Lumiko yung curve dahil nga bumaba yung ating mga kaso after mag-impose tayo ng lockdown,” paliwanag ni Duque sa panayam ng Teleradyo.

Imahe mula sa PNA

Hindi raw talaga ‘flattenning the curve’ ang ibig niyang sabihin kung hindi lumiko. Kung mayroo man daw pagbaba ng kaso simula noong Abril hanggang Hunyo ay nakita iyon na parang dumiretso pahiga o kaya ay dumapa nang bahagya.

Inamin din ng opisyal na nagkamali siya sa paggamit ng terminong ‘flattened the curve’ sapagkat ang ibig niyang sabihin talaga ay ‘lumiko’ ang curve.

Magugunitang nauna nang sinabi ni Duque sa isang virtual presser na na-flatten ng bansa ang coronavirus curve simula pa noong Abril, bagay na hindi sinang-ayunan ng karamihan mula sa health sector hanggang sa mga pulitiko.

“We have successfully flattened the curve since April,” ani Duque.

Ang naging basehan umano nito ay ang pagbagal ng ‘case doubling time’ at ‘mortality doubling time’. Ayon sa kalihim, sa simula ng pandemiya halos umabot lang sa 2-1/2 araw ang doubling time ng kaso subalit sa kasalukuyan ay nasa 8 -12 araw na ito.

Ganundin umano sa ‘mortality doubling time’ na bumagal rin kumpara noong umpisa at sa ngayon ay nasa ‘moderate risk classification’ na ito.

Screenshot mula sa DOH

Dahil umano sa pagbagal ng paglaganap ng infection, nagkaroon sila ng pagkakataon na pagbutihin pa paghahanda at ang kanilang ginagawa para tuluyan itong masugpo.

Ginawa ni Duque ang nasabing pahayag matapos magbabala ang ilang pangunahing ospital sa Maynila na napupuno na ang kanilang mga kuwarto ng pasyenteng nahawaan ng COVID-19.

Sa pinakahuling talaan ng Department of Health (DOH) nitong Hulyo 14, umabot na sa 57,545 ang kaso ng coronavirus sa bansa; 20,45 dito ay gumaling na habang 1,603 naman ang hindi pinalad na makaligtas.

Loading…