Emirates Airlines magbabawas ng 9,000 empleyado

Imahe mula sa Facebook Emirates
  • Planong magbawas ng Emirates Airlines ng aaabot sa 9,000 empleyado
  • Ito ay halos 15% ng kanilang kasalukuyang 60,000 empleyado sa buong mundo
  • Tinatayang aabot sa $8-B ang malulugi sa airline industry ngayong taon

Nakatakdang magbawas ang Emirates Airlines ng aabot sa 9,000 empleyado sa mga darating na araw, ito ang inamin ng CEO ng airline na si Tim Clark sa panayam ng BBC.

Ang Emirates Airlines ay nakabase sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) at siyang pinakamalaking airline sa Gitnang Silangan.

Nauna nang nagbawas ng 10% ng kanilang staff ang Emirates bago pa man ang pandemiya. Subalit dahil lalong sumadsad ang industriya dahil sa krisis sa coronavirus, muling mababawasan ang kasalukuyang 60,000 na empleyado nito kabilang na ang 4,500 na piloto at 22,000 na cabin crew.

“We will probably have to let go of a few more, probably up to 15%,” ani Clark.

Imahe mula sa Facebook – Emirates

Ayon pa sa ulat, hindi bababa sa 700 na piloto ang nabigyan ng redundancy notice. Dismayado ang karamihan sa mga empleyado dahil sa email umano pinadadala ang notice.

Noong una umano ay pinagrereport lang ang mga apektadong empleyado sa kanilang training college para daw sa ‘business update’. At doon na mismo sa pagtitipon sinasabi na ang kanilang mga posisyon ay ginawa nang redundant.

Subalit nitong huli ay direkta na raw sinasabi sa email na ipinapadala ang kanilang redundancy notice.

Imaeh mula sa Fcebook – Emirates

Ayon pa sa ulat ng BBC, mas naapektuhan ang crew ng mga Airbus kaysa sa Boeing. Ito ay dahil sa mas maliit ang seating capacity ng Boeing kaya mas madali silang punuin sa panahon ngayon na limitado pa rin ang mga biyahe sa himpapawid.

Isa ang airline industry sa pinaka-naapektuhang negosyo sa buong mundo dahil sa pandemiya dulot ng COVID-19.

Sa pagtataya ng International Air Transport Association (IATA) na mayroong kasapi na 290 airlines sa iba’t-ibang panig ng daigdig, aabot sa $8-B ang malulugi sa industriya habang aabot rin sa 1 milyong empleyado ang mawawalan ng trabaho ngayong taon.

Loading…