Etiquette 101: Anong gagawin sa mahabang buhok kapag nasa pampublikong sasakyan?

  • Pinag-usapan ng mga netizens ang isang larawan ng pasahero sa loob ng bus na hindi tinukoy ang identidad
  • Nakasampay kasi ang kaniyang mahabang buhok sa likurang bahagi ng kaniyang upuan na para bang pagmamay-ari niya ito
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens

Sinasabing kumalat ang COVID-19 mula sa Wuhan, China hanggang sa halos lahat ng panig ng daigdig dahil sa “kasalaulaan” ng mga tao. Dura dito, dura doon. Bahing dito, bahing doon nang hindi man lamang nagtatakip ng bibig. Singa nang singa kung saan-saan. Hindi man lamang inisip ang kapakanan ng kapwa lalo na kapag nasa pampublikong lugar.

Kagaya rin ng isang larawang ipinakita sa Facebook page na “Papa” kung saan makikita ang mahabang buhok ng isang pasahero (na hindi matukoy ang tiyak na kasarian) na nakasampay at nakaladlad na sa likurang bahagi ng kaniyang kinauupuan.

Imahe mula sa Facebook page na Papa

Ang larawan ay maaaring kinuhanan ng kapwa-pasaherong nasa kaniyang likuran. Pabirong caption tuloy nito, “Ike-keratin po ba natin Ma’am?”

Ang keratin ay isang kemikal na ginagamit sa pagtuwid o pagkulay ng buhok na kadalasang makikita sa mga salon.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Palagi akong may dalang nail cutter huwag lang matiyempo sa harap ko ‘to. Makakalbo ito sa akin,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Kaya nga palagi akong may dalang gunting haha. Kung luko-luko lang ang nakaupo riyan sa likod nito, for sure bababa ka ng bus na short hair na.”

“Baka naman gustong ipaamoy sa katabi kung ano ang kaniyang shampoo. Malay ninyo, endorser pala siya ng shampoo o kaya sabong panlaba hahaha,” pabirong banat naman ng isa.

Depensa naman ng isa, “Mas maigi na yung ganiyan kaysa naman sa nililipad sa mukha ang buhok. Naku, talagang hinahawi ko talaga mga ganiyan tapos sasabihin ko, ‘Miss nag-breakfast na po ako. Ayokong kumain ng buhok.”

Ano nga ba ang nararapat gawin kung may mahabang buhok at nakasakay sa pampublikong sasakyan? Marapat lamang na itali ito upang hindi liparin ng hangin at madaplisan ang mukha ng iyong katabi o kapwa-pasahero. Kung wala namang panali, mas mainam na hawakan na lamang ito hanggang sa makababa.

Imahe mula sa Facebook page na Papa

Hindi rin dapat isinasampay (kagaya sa ibinahaging larawan) ang mahabang buhok sa upuan, lalo na sa panahon ngayon ng COVID-19. Sa ibang bansa, nagpapagupit nang maiksi o nagpapakalbo ang mga babaeng health workers upang hindi dumikit sa kanilang mga buhok ang virus. Sa lahat ng pagkakataon, kailangan lamang panatilihin at isaalang-alang ang tamang etiketa upang hindi makapaminsala o makapagdulot ng perwisyo sa ibang tao.

Loading…