Face mask policy istriktong ipatutupad sa Pasay City kasunod ng pagdami ng COVID-19 cases sa lungsod

Imahemula sa Pasay City PIO
  • Pagsusuot ng face mask sa Pasay City mahigpit na ipatutupad
  • Pagmumultahin ang sinumang lalabag sa face mask policy
  • Ang direktiba ng Pasay City Mayor ay kaugnay ng biglang pagdami ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod

Inatasan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang lokal na pulisya at ang mga opisyal sa lahat ng mga barangay sa lungsod na mas maging istrikto sa implementasyon ng city ordinance na naipasa noon pang buwan ng Abril hinggil sa pagsusuot ng face mask o anumang improvised protective equipment na epektibong makatutulong sa pagpigil sa COVID-19 transmission.

Imahe mula sa Pasay City LGU

Ang direktiba ni Mayor Calixto-Rubiano ay kasunod ng pagsirit ng bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang lungsod sa loob lang ng bente kwatro oras.

Ang Pasay City Health Office ay nakapagtala ng kabuuang 1,077 COVID-19-positive individuals noong July 7 mula sa 1,026 noong July 6. Sa loob lang ng 24 oras ay nadagdagan ng 51 ang bilang ng mga COVID-19 positive individuals sa lungsod.

Inatasan ni Mayor Calixto-Rubiano si Pasay City police chief Colonel Ericson Dilag na mag-deploy ng mas marami nitong mga tauhan sa mga lansangan. Sinabi ng alkalde kay Dilag at sa mga barangay officials na paigtingin ang paghuli sa mga taong hindi nagsusuot ng face mask.

Aniya, batay sa nasabing ordinansa, ang mga mahuhuling lalabag sa unang pagkakataon ay bibigyan lang ng warning, sa second offense naman ay multang P3,000 ang ipapataw sa mga violators at P5,000 sa ikatlong beses na paglabag.

Binigyang-diin ni mayor na sakaling menor de edad ang violator, ang mga magulang nito ang papatawan ng multa.

Imahe mula sa Pasay City PIO

Loading…