Face-to-face classes sa low risk areas inaprubahan ni Pres. Duterte

Imahe mula sa Business Mirror
  • Aprubado kay Pres. Duterte ang pagsasagawa ng limited face-to-face classes
  • Ang mga paaralan sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ ang papayagang magsagawa ng face-to-face classes
  • Kabilang ang Siargao, Siquijor at Dinagat Islands sa mga lugar na humihiling na magkaroon ng physical classes

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proposal ng Department of Education na magsagawa ng limited face-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) na itinuturing na may low-risk ng COVID-19 transmission.

Imahe mula sa Business Mirror

Isinapormal ni DepEd Secretary Leonor Briones ang mungkahi kay Pang. Duterte sa kanilang pulong noong Lunes, July 20.

“I’m with you on this one. Let’s try to make ourselves productive even how constricted the times are. Okay ako,” tugon ng Pangulo sa proposal ng DepEd secretary.

Sa ilalim ng kanyang mungkahi, nilinaw ng kalihim ng edukasyon na face-to-face o physical classes ay hindi naman gagawin ng limang beses sa loob ng buong school week kundi isa hanggang dalawang beses lang sa loob ng isang linggo.

Bukod sa ang lokasyon ay nasa MGCQ areas, may ilan pang requirements na inilista si Sec. Briones para sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes. Kailangan umano na malaki ang mga classrooms at ang school building ay nasa maayos na kundisyon.

Screenshot mula sa RTVM video

Dapat rin na nakahanda ang local government na magbigay ng financial support sa mga paaralan.

Aniya, kabilang ang Siargao, Siquijor at Dinagat Islands sa mga lugar na humihiling na magkaroon ng physical classes.

“This will really be limited, sir. Those who are asking are Siquijor, Dinagat Islands, Siargao… They have almost zero level ng COVID-19 transmission,” anang kalihim.

Aniya, ang mga paaralang papayagang magsagawa ng limitadong face-to-face classes ay iinspeksyunin muna ng DepEd personnel at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases upang alamin kung makasusunod ang mga ito sa minimum health standards katulad ng pagkakaroon ng supply ng tubig na magagamit sa handwashing.

Imahe mula sa Panay News

Hanggang 20 students lang ang papayagang dumalo sa physical classes.  Hindi naman pupuwersahing pumasok ang mga anak ng mga magulang na nangangamba sa face-to face classes.

“‘Yung mga parents na ayaw ng face-to-face, may choice naman sila sa online halimbawa. Kung hindi pwede ang online dahil hindi pwede ang connectivity nandiyan ang telebisyon, nandiyan ang radio,” paliwanag ni Sec. Briones.

Ang school year 2020-2021 ay magsisimula na sa ika-24 ng Agosto.

Imahe mula sa DepEd

Loading…