Facebook page na maraming followers maaaring gamitin ng mga politiko

Imahe mula sa Infobeat
  • Maaaring gamitin ng mga politiko sa pansariling interes ang Facebook fan pages na maraming followers
  • Bagama’t hindi naman daw ito ilegal, maituturing itong ‘false advertising’
  • Posible rin daw malagay sa peligro ang dating may-ari ng fan page kapag nagamit ito sa masamang gawain

Posibleng gamitin ng mga politiko ang mga Facebook fan pages na maraming followers para sa kanilang pansariling interes; ito ay ayon sa isang propesor.

Nauna nang napabalita na ilang social media fan pages ng mga artista tulad nina Bea Alonso at Angel Locsin ang nakatanggap umano ng alok upang bilhin ito.

Prof. Flores| Screenshot mula sa GMA News video

Ayon kay Ateneo De Manila University School of Government Professor Praxis Leon Flores III, ginagawa ito ng ilang PR at digital firm ng mga politiko para makuha ang maraming followers ng isang fan page.

“’Yung pag-build kasi ng audience, no, hindi kasi siya medyo madali, lalo na kung ikaw ay politician. Alam naman natin na medyo hindi maganda ‘yung imahe ng mga politicians dito sa Pilipinas,” ani Flores sa panayam ng GMA News.

Bagama’t hindi naman ito ilegal, maituturing daw itong ‘false advertising’.

Halimbawa na lang umano ang kasalukuyang page ng isang politiko sa Bicol. Napag-alaman sa ulat na nagsimula noong 2011 ang naturang page bilang fan page ng isang aktor. Kinalaunan ay pinalitan ito ng pangalan ng nasabing kongresista.

Bukod sa misleading, maaari rin daw malagay sa peligro ang dating may-ari ng page kapag nagkataon.

“Habang walang batas ito, matatawag natin itong false advertising per se. Dapat hindi misleading. ‘Yung pangunahing pakay, by which you follow that person. What if, out of nowhere, violence or anti-terror na pala ‘yung page. Out of nowhere puwede ka kasuhan,” paliwanag ni Flores.

Imahe mula sa InterAksyon

Kamakailan, ibinulgar ni Bea Alonso at Angel Locsin na nakatanggap sila ng offer para bilhin ang kanilang fan page na maraming followers.

Dahil dito nagbabala ang dalawang aktres sa publiko na maging maingat sa ganitong modus dahil posibleng magamit ang page sa hindi mabuting paraan lalo na ngayong ipinatutupad na ang anti-terror law.

Loading…