Fresh grad nag-alok ng tutorial services kapalit ng groceries

Imahe mula sa Unsplash
  • Nag-aalok ng tutorial services ang isang fresh graduate kapalit ng groceries
  • Naisipan niya raw na gawin ito upang may maipantustos sa mga pangangailangan
  • Hindi na siya nagbigay ng halaga ng groceries na nais niyang matanggap dahil naiintindihan niyang ang lahat ay naapektuhan ng pandemya

Upang makaraos sa krisis na kinahaharap sa gitna ng pandemya ay naisipan ng isang fresh graduate na mag-alok ng online tutorial services kapalit ng relief goods.

Imahe mula sa PNA

Kuwento ng 25 anyos na si Aileen Bucio, graduate ng early childhood education sa Philippine Normal University, naisipan niyang gawin ito nang minsan ay may makita siyang post ng kakilala na nag-aalok ng online tutorial services.

“P250 po yung presyo ng online tutorial niya. Naisip ko, siguro hindi magki-click ‘yong ganoon kasi medyo mataas ‘yong price…so why not try to offer online tutorial kahit hindi ganoon kalaki. At least nakatutulong ako at matutulungan din ako ng magiging client ko,” aniya.

Ngayon kasi ay nakatira si Aileen sa isang dorm sa Maynila upang maghanap sana ng trabaho, habang ang kaniyang pamilya naman ay nasa Davao del Sur. 

Aniya, paubos na ang kaniyang ipon at kailangan niya na muling kumita upang may maipambayad sa upa, kuryente, at tubig sa kanilang dorm.

Imahe mula sa Unsplash

Sa pamamagitan ng isang Facebook group para sa pagba-barter ay inalok niya ang kaniyang serbisyo.

“I am teacher Aileen, a fresh graduate in early childhood education with a certificate in reading. I am offering online tutorial in exchange for groceries, food, or anything para maka-survive po rito sa dorm,” aniya sa post.

Nagulat daw siya nang makatanggap ng inquiries at magkaroon ng kliyente. “So far, apat na ang nag-set ng schedule,” sabi ni Aileen.

Hindi na raw siya nagbigay ng presyo kaya bahala na ang kaniyang mga kliyente kung magkano ang halaga ng groceries na ibibigay sa kaniya. “Lahat naman tayo apektado ng sitwasyon ngayon. Walang exempted, mayaman o mahirap. Lahat dinaranas ‘yong sitwasyon ngayon.”

Bukod sa mga bagong kliyente ay may nagpapadala rin kay Aileen ng libreng groceries.

Payo niya sa mga kagaya niyang fresh graduate sa panahon ng pandemya, ‘wag titigil sa paghahanap ng oportunidad.

“Hindi na dapat asahan ang parents kasi graduate na…Maging creative at resourceful na lang tayo,” pagtatapos niya.

Source :

PNA

Loading…