Harry Roque, ipinagtanggol si Pangulong Duterte sa pahayag nito hinggil sa paglilinis ng face mask

  • Nagbibiro lamang si Pangulong Duterte
  • Iyan ang pagtatanggol ni Presidential Spokesperson Harry Roque  sa pahayag ng pangulo hinggil sa paggamit ng gasolina sa paglilinis ng reusable face mask
  • Sa apat na taong pamamahala ng pangulo ay dapat daw na masanay na ang mga tao sa mga banat at biro nito

Ipinagtanggol ni Presidential Spokesperson Harry Roque si Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag nitong maaaring linisin ang gamit na face mask sa pamamagitan ng pag-spray ng Lysol at paghuhugas nito sa gasolina, noong Martes, Hulyo 21, 2020.

Ayon sa kaniya, huwag daw masyadong seryosohin ang pahayag ng pangulo dahil nagbibiro lamang ito. Iginiit din niyang apat na taon na sa pamumuno ang pangulo kaya’t nagtataka siya kung bakit hindi pa sanay ang mga tao sa kaniyang mga banat at biro.

Public Domain Image

“Kayo naman, apat na taon na si Presidente, parang ‘di pa ninyo kilala si Presidente, joke only. Bakit naman tayo maghuhugas ng gasolina, ‘no,” ani Roque.

Maging si Department of Health o DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire ay ganito rin ang litanya.

Baka joke lang: DOH nilinaw ang face mask ‘gasoline disinfectant’ tip ng Pangulo

“Dito naman sa sinabi ni President, he’s mentioning, really, the reusable na mga face mask katulad ng cloth mask. Alam ninyo naman kapag nagsasalita si Presidente, baka iyong mga jokes lang niya iyon, especially for gasoline,” aniya sa harap ng tanong mga miyembro ng media.

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Tama naman po kayo eh. Apat na taong joke time ang pamamahala ng ating pangulo, gayundin ang iba pang mga namamahala sa administrasyon.”

“Dami na nam*tay, nawalan ng trabaho at nagugutom pero sila, joke pa rin. I wonder kung kailan magseseryoso ang gobyerno natin. Hay naku,” turan naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Daming makikitid ang utak na Pinoy minsan. Mas pinapaburan ang maling interpretasyon. Go lang Mr. President. I’m forever a fan!”

Public Domain Image

“Ganiyan talaga, joke lang nang kaunti masyado ninyo namang dinidibdib. Nakakapanaw rin po ang masyadong seryoso. Masyado na ngang seryoso ang mga nangyayari. Mahirap po ang maging pangulo ng bansa,” suporta naman ng isa.

Mahalaga ang pagsusuot ng face mask sa panahon ngayon upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 lalo pa’t patuloy na tumataas ang bilang ng mga taong dinadapuan ng naturang sakit. Ang surgical mask ay maaari lamang gamitin ng isang beses sa isang araw habang ang cloth mask naman ay kailangang nilalabhan at pinapalitan.

Loading…