Hataw lang! 83-anyos na lola na namamasada pa rin ng pedicab lubos mong hahangaan

  • Isang pedicab driver na lola humahakot ng paghanga dahil sa sipag nito at tiyaga
  • Bumilib ang isang Bayan Patroller at finlex niya si Lola Pedeng sa social media
  • 83-anyos na pala ang matandang babae na 45 years nang pumapadyak at ngayon ay isa nang internet lodi

Hanggang saan ang iyong energy level?

Well, ang isang pedicab driver na lola na si Federacion Villalon o “Lola Pedeng” ay humahakot ng paghanga matapos siyang i-flex ng isang pari na pabalik na sa kanyang parokya sa Brgy. Polo, Valenzuela matapos magbasbas sa isang mamamayan na sumakabilang-buhay na.

 

Ayon kay Fr. Carlo Soro, nasakyan niya ang pedicab ng isang lola na 83 anyos na pala. Sa kuwento ng huli kay Padre Soro pumapasada siya mula alas-7 hanggang alas-11 ng umaga at ang kinikita nitong isandaang piso kada araw ay siya umanong ipinambibili niya ng pagkain nilang mag-asawa.

Turan ni Fr. Carlo. “Namangha po talaga ako sapagkat sa mga katulad po niyang may edad ay talagang patuloy pa rin pong lumalaban sa buhay.”

Dagdag pa nito, “Kaya naman po sa pagkaantig ng aking puso po, naisip ko na makipagpanayam sa kaniya para kumustahin po ang kalagayan po niya at mabigyan po ng pag-asa ang kapwa natin na hindi po dapat sumuko.”

Ipinost ito ni Father sa social media:  “Kapatid, napapagod ka na ba? Parang gusto mo nang sumuko? Hirap ka na ba sa buhay? Teka, teka, teka, sandali lang, panoorin mo muna si nanay Pedengg!!! I’m blessed, I’m loved, I’m happy!”

Tiyak na mahahawa ka sa pagiging masayahin ni Lola Fedeng. Panoorin mo ang video na ibinahagi ni Fr. Carlo.

Ayon pa sa kuwento ni Lola Pedeng, may tatlo siyang anak pero dahil may sariling pamilya na ang mga ito, mas pinili niyang hindi na umasa sa mga ito. Hindi na raw kayang magtrabaho ng kanyang mister dahil may sakit at mahina na ito.

Hindi rin nito nais na manlimos na lamang.

“Nakakahiya naman po kasing mamalimos ako, eh kaya ko pa naman pong maghanapbuhay. Ang Panginoon una akong kumakapit sa Kanya, hindi Niya po ako pinababayaan. Gagabayan niya ako para hindi muna ako humina,” kuwento ni lola Pedeng.

Kapansin-pansin sa panayam sa kanya ni Padre Carlo na ito ay masayahin at bibo pa rin. Mababakas ang pagiging positibo nito sa kabila ng hirap. Ngunit marahil ay hindi rin ito tatanggi sa anumang tulong na ihahatid sa kanya. Gaano na lang ba naman ang naaabot ngayon ng kinikita niyang isandaan sa pagpadyak.

Samantala, nakaabot na sa Kapamilya ang kanyang kuwento.

Source :

YouTube, Facebook

Loading…