Hindi nagpaka-choosy: Aktres na si Rich Asuncion nagtrabaho bilang waitress sa Australia

Imahe mula sa GMA Artist Center
  • Ibinida ng aktres na si Rich Asuncion ang sayang naramdaman sa unang suweldo sa trabaho niya sa Australia
  • Namasukan ang Kapuso actress at beauty titlist bilang waitress sa nasabing bansa
  • Noong una ay medyo nahirapan daw siyang tanggapin ang pagiging waitress niya, pero na-realize na raw niya ngayon na walang masama sa kanyang trabaho

Ibinida ng Kapuso actress at beauty titlist na si Rich Asuncion ang labis na sayang naramdaman niya nang matanggap ang kauna-unahang suweldo sa pinasukang trabaho sa Australia.

Imahe mula sa GMA Artist Center

Si Rich Asuncion ay produkto ng talent search  na Starstruck noong 2007. Tinagurian siyang First Princess sa nasabing kompetisyon. First runner up din siya sa Binibining Pilipinas noong 2009.

Kare-renew pa lang ni Rich ng contract sa GMA Artist Center noong Nobyembre ng nakaraang taon, subalit sa kasagsagan ng COVID-19 outbreak sa bansa noong buwan ng Pebrero ay nagpasiya ang aktres na sa Australia na manirahan.

Kasama niyang nagtungo roon ang asawang Filipino-Australian na si Benjamin Mudie na isang rugby player, at anak nilang si Bela.

Sa isang Instagram post, ibinida ng aktres ang sayang naramdaman niya sa suweldong natanggap bilang isang waitress.

“Simulan natin ang post na ito nang masaya. Napakasaya ko ngayong araw dahil natanggap ko na ang una kong sweldo at sa wakas ay di na ako nalulugmok sa lungkot. Malaking bagay to dahil sa panahon ngayon ang hirap humanap ng dahilan para sumaya. Lalo pa at nag-adjust pa lang ako dito sa Australia. Tagal ko rin naghanap ng work,” sabi ni Rich.

Imahe mula sa Instagram account ni Rich Asuncion

Mas malungkot daw sa Australia kapag nasa bahay lang kaya naman naisipan niyang maghanap ng trabaho. Marami raw doong oportunidad basta lang hindi ka mapili sa trabaho.

“So, ‘yun na nga, dahil di na ko ako nagpaka-choosy sinubukan ko na ang pag wi-waitress. Casual job at a restaurant,” kuwento niya.

Noong una ay medyo nahirapan daw siyang tanggapin ang pagiging waitress niya, pero na-realize na raw niya ngayon  na walang masama sa trabaho niya.

Imahe mula sa Instagram account ni Rich Asuncion

“Nung una nahirapan ako tanggapin pero na-realize ko ngayon, ano naman ang masama dun. Part pa rin naman siya ng Tourism course na kinuha ko sa UP,” sabi niya.

Wala naman daw siyang karapatang mag-inarte dahil nabigyan siya ng panibagong chance to start anew.

Source :

Inquirer, PEP

Loading…