Hindi siya nagbibiro: Gasolina maaaring gawing disinfectant, ayon kay Pangulong Duterte

  • Hindi nagbibiro si Pangulong Duterte tungkol sa gasolina bilang alternatibong disinfectant kontra COVID-19
  • Ipinahayag niya ito sa kaniyang ulat sa publiko nitong Huwebes, Hulyo 30, 2020
  • Aniya, kapag walang alcohol, magtungo lamang sa isang gasolinahan at makiusap na magpatulo ng gasolina sa kamay, mapa-kerosene o diesel

Hindi umano nagbibiro si Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin niyang maaaring gamitin ang gasolina bilang disinfectant na pamalit sa alcohol at panlinis sa mga gamit na face mask,  batay sa pinakabago niyang ulat sa publiko nitong Huwebes, Hulyo 30, 2020.

“Kung loko-loko ako eh ‘di ikaw na sana ang presidente at hindi ako. Totoo iyang sinabi ko. ‘Pag walang available na alcohol lalo na mahirap, magpunta ka lang d’yan sa gasoline station, pagkatapos magpatulo. That’s disinfectant,” pahayag ng pangulo.

Public Domain Image

Nauna na niyang sinabi noong Hulyo 21 na maaaring gamiting alternatibo bilang disinfectant ang gasolina. Noong Hulyo 22, nagbabala naman ang DOH kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Duterte na ibabad sa gasolina ang face mask at gamitin itong muli. Ayon sa naman sa Malacañang noong Hulyo 23 sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nagbibiro lamang umano ang pangulo.

Harry Roque, ipinagtanggol si Pangulong Duterte sa pahayag nito hinggil sa paglilinis ng face mask

“Kayo naman, apat na taon na si Presidente, parang ‘di pa ninyo kilala si Presidente, joke only. Bakit naman tayo maghuhugas ng gasolina, ‘no,” pagtatanggol ni Roque.

Maging si Department of Health o DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire ay ganito rin ang litanya. Aniya noon, “Dito naman sa sinabi ni President, he’s mentioning, really, the reusable na mga face mask katulad ng cloth mask. Alam ninyo naman kapag nagsasalita si Presidente, baka iyong mga jokes lang niya iyon, especially for gasoline.”

Subalit mismong sa bibig na niya nanggaling na hindi siya nagbibiro sa kaniyang mga sinabi.

“Alcohol, gaas, yung ginagamit n’yong gaas, magpatulo ka lang just to disinfect,” dagdag pa ng pangulo.

Public Domain Image

Narito naman ang iba’t ibang reaksyon at komento ng mga netizens:

“Sabi ni Roque biro lang ng pangulo ang gasoline para pag-disinfect pero totoo naman pala, gawin ninyo na muna, mga sir, para tularan namin,” turan ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Ano kaya ang future ng ating mga anak? Nakakalungkot ang mga nangyayari. Mukhang unti-unti na tayong namamali ng direksyon. Goodluck sa ating lahat na mga Filipino. God bless our country and our people.”

“I respect and admire you Mr. President, but please, avoid making non-sense statements… Hindi po siya nakakatulong, believe me, may kasabihan tayo… walang sumisira sa bakal kundi sariling kalawang.”

Nagbabala naman ang mga eksperto na maraming health risks na maaaring makuha ang tao kapag nabantad sa flammable liquid kagaya ng gasolina. Maaari itong magdulot ng pagkasunog ng balat na nasa una at ikalawang degree, bukod pa sa maaaring maka-irita sa balat.  Maaari din itong makapagdulot ng transient corneal injury o sakit sa mata.

Loading…