House committee tuluyan nang ibinasura ang bagong prangkisa ng ABS-CBN

Imahe mula sa ABS-CBN
  • Tuluyan nang ibinasura ng Kamara ang aplikasyon ng prangkisa ng ABS-CBN
  • Bumoto pabor sa rekomendasyon ng TWG ang 70 kongresista
  • Maaari pa naman umanong ipasa muli ang aplikasyon ng ABS-CBN

Tuluyan nang ibinasura ng House Legislative Franchise Committee ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa.

Ito ay wala pang isang oras matapos maglabas ang technical working group (TWG) ng rekomendasyon para tanggihan ang pagrenew ng prangkisa ng Kapamilya network.

“The (group) determined that the likely consensus among members of this committee is to disapprove the application of ABS-CBN for another franchise,” anang rekomendasyon na binasa ni Deputy Speaker Pablo John Garcia.

Imahe mula sa HoR-Facebook

Maliban kay Garcia, ang TWG ay binubuo nina Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo, at Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo. Sa tatlong nabanggit na kongresista, si Quimbo lamang ang bumoto nang salungat sa rekomendasyon.

Ang Legislative Franchises Committee ay mayroong kasapi na 46 mambabatas kasama na ang ex-officio member at mga lider ng Kamara na sina Speaker Alan Peter Cayetano,  Majority Leader Martin Romualdez, at Minority Leader Bienvenido Abante Jr.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Sa botong 70-11 pabor sa resolusyon ng TWG, tuluyan nang pinawi ng komite ang anumang pag-asa para sa mahigit 11,000 empleyado ng ABS-CBN na makabalik sa ere ang istasyong pinagtatrabahuan nila.

“By no means can this franchise application be related to press freedom,” anang  resolution ng TWG. “It is what it is–a denial of a privilege granted by the State because the applicant was seen as undeserving of the grant of a legislative franchise.”

Ganun pa man, maaari umanong ipasang muli ang aplikasyon ng ABS-CBN franchise sa pamamagitan ng mga mambabatas na pabor dito; kaya lamang ay muli itong dadaan sa kaparehong proseso.

Loading…