Huling bahagi ng TPLEX kumpleto na; biyaheng Manila-Baguio 3.5 oras na lang

Imahe mula PNA| Ramon Mon Guico III
  • Huling yugto ng TPLEX kumpleto na at bukas na sa mga motorista
  • Inaasahang paiiklin nito ang biyaheng Manila-Baguio ng mahigit dalawang oras
  • Pinag-aaralan na rin ang extension project ng TPLEX hanggang San Juan, La Union

Pinasinayaan na ng San Miguel Corporation (SMC) nitong Miyerkules, Hulyo 15, ang pinakahuling bahagi ng Tarlac Pangasinan La Union Expressway (TPLEX) na inaasahang magpapaikli ng biyahe mula Tarlac hanggang Rosario at mula Manila hanggang Baguio.

Ang proyekto na nagkakahalaga ng P35-B ay nahahati sa tatlong yugto: Section 1 – Tarlac City hanggang Rosales, Pangasinan; Section 2 – Rosales, Pangasinan hanggang Urdaneta City, Pangasinan at Section 3 – Urdaneta City, Pangasinan hanggang Rosario, La Union. Ito ay may kabuuang haba na 89.31 kilometro.

Imahe mula sa Inhinyero.org Facebook

Nitong Miyerkules ay pormal na itong binuksan sa mga motorista. Ang pagpapasinaya ay dinaluhan nina SMC President at CEO Ramon Ang, Executive Secretary Salvador Medialdea, Spokesperson Harry Roque at mga opisyal ng DPWH.

Ang 11-kilometro na pinakahuling bahagi ng TPLEX ay inaasahang magpapaikli sa biyaheng Tarlac-Rosario mula 3.5 oras hanggang 1 oras na lang; at sa biyaheng Manila-Baguio mula 6 oras hanggang 3.5 oras na lamang.

Imahe mula sa Inhinyero.org Facebook

Inaasahan naman ni Ang na muling pasisiglahin ang negosyo at turismo sa mga karatig-lugar dahil sa pagbubukas ng huling bahagi ng TPLEX lalo na ngayong panahon ng pandemiya.

“By not scaling back on investments in infrastructure, we will be able to create more jobs, keep the flow of goods and services moving, and pave the way for more local tourism for the long-term,” ani Ang sa isang pahayag.

Imahe mula sa Inhinyero.org Facebook

Pinag-aaralan na rin umano ng SMC ang panukala na dugtungan pa ang TPLEX mula Rosario hanggang San Juan, La Union. Ang panukalang extension project ay aabot sa 59 kilometro.

“Ang said SMC’s next goal now is to extend TPLEX all the way to San Juan. We look forward to the continued support of our national and local governments for this project, which will bring even more growth to the region,” ayon sa pahayag ng kompanya.

Loading…