Illegal entry: 10 Tsino na sakay ng yate mula sa China dumaong sa Palawan nang walang abiso

Imahe mula sa CGDPAL PIO
  • Sampung Chinese nationals na sakay ng yate ilegal na pumasok sa bansa
  • Dumaong ang yate sakay ang 10 Tsino sa Barangay Concepcion sa Puerto Princesa Palawan noong July 20,2020
  • May ari-arian umano sa Palawan ang may-ari ng yate

Sampung Chinese nationals ang kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Philippine Coast Guard (PCG) sa headquarters nito sa Honda Bay, Barangay Sta. Lourdes, sa Puerto Princesa, Palawan dahil sa ilegal na pagpasok sa bansa.

Imahe mula sa CGDPAL PIO

Ang mga banyaga ay sakay ng isang yate na direktang nanggaling sa siyudad ng Tianjin sa China at dumaong sa Barangay Concepcion dakong alas-otso ng gabi noong Lunes, ika-20 ng Hulyo, nang walang anumang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.

Ayon sa barangay chairman na si Job Francisco, isa sa sampung Chinese nationals ang nakababa ng yate bago pa dumating ang mga barangay officials, samantalang ang siyam na iba pa ay napigilan nila. Aniya, posibleng isang local contact ang sumundo sa mga Tsino.

Sinabi ng PCG na ang isa sa mga Chinese nationals na kinilalang si Deng Kang Zhang, ang may-ari ng yate ay mayroon daw ari-arian sa lugar. Nais niya raw iyong bisitahin upang kumuha ng pagkain at makapag-refuel na rin.

May naipakita namang dokumento si Deng Kang Zhang, ayon kay Coast Guard District Palawan commander Commodore Allan Corpuz.

Imahe mula sa CGDPAL PIO

“’Yung owner ng yate allegedly mayroon silang pag-aari doon, pagmamay-ari ng  Palawan Commercial Property Incorporated. Ang intention nila is kumuha ng pagkain at fuel kasi galing silang China, six days na sila. Nakapag-present naman sila ng visa driver’s license at saka ‘yong sabi ko nga ‘yong in-issue ng Pilipinas na special residence retirees’ visa para ma-prove ‘yong kanilang identification,” ani Corpuz.

Nilabag umano ng mga ito ang immigration law at iba pang batas ng Pilipinas. Hindi rin sila nakipag-ugnayan sa Chinese embassy tungkol sa kanilang paglalayag.

“Dapat bago sila pumasok dito bilang foreigner dapat dumaan po sila sa tamang proseso – nakipag-ugnayan sa ating embahada sa China na sila ay papasok dito sa  Pilipinas. Ngayon naman puwede naman kung sila ay kukuha ng pagkain o fuel pero dapat bago sila dumaong sa pier nakipag ugnayan muna sila sa awtoridad katulad ng Coast Guard at definitely ‘yong City government,” sabi pa ng PCG official.

Nilabag din umano ng mga banyaga ang ipinatutupad na health protocols sa ginawang pagpasok sa bansa nang walang abiso.

Imahe mula sa CGDPAL PIO

Loading…