Iwas-COVID-19: Pagsasalita sa loob ng tren ng LRT-1 ipinagbabawal

Imahe mula sa LRMC
  • Pagsasalita sa loob ng LRT-1 trains ipinagbawal
  • Naobserbahan ng pamunuan ng LRMC na tinatanggal ng mga pasahero ang suot na face mask kapag may kausap sa cellphone
  • May mga marshalls na mag-iikot sa loob ng mga bagon upang ipatupad ang pagbabawal

Ipinagbabawal ng Light Rail Manila Corp (LRMC) ang pagsasalita sa loob ng mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Imahe mula sa LRMC

Ganito ang nakasaad sa advisory ng LRMC:

“Passenger reminder: Talking is not allowed on the train. Respiratory droplets ang isa sa mga karaniwang sanhi ng pagkalat ng COVID-19. Huwag makipag-usap sa katabing pasahero sa loob ng LRT-1. Ugaliin ang pagsusuot ng face mask at paggamit ng alcohol o sanitizer.”

Sa televised interview kay LRMC Corporate Communications head Jacqueline Gorospe, sinabi niya na naobserbahan nila na tinatanggal ng mga pasahero ang suot na face mask habang nasa loob ng mga bagon ng LRT-1 trains, lalo na kapag sinasagot nila ang tawag sa cellphone.

“Knowing ‘yung COVID-19, nata-transmit siya through droplets, another layer of protection is if walang nagsasalita, walang lalabas na droplets. We remind our passengers na kailangan po i-postpone muna ‘yung call. Or if they need to talk, kailangan nakasuot ang mask,” ani Gorospe.

Imahe mula sa LRMC

Upang masiguro na maipatutupad ang pagbabawal sa pagsasalita habang nasa loob ng LRT-1 trains, ilang marshalls at LRT personnel ang maglilibot sa loob ng mga bagon.

Isiniwalat din ni Gorospe na walo sa kanilang mga kawani ang nahawahan ng COVID-19 nitong mga nakalipas na buwan. Agad naman daw silang dinala sa isolation facility nang magpositibo ang resulta sa test.

Ang tatlo sa mga kawani ay maayos na ang kalagayan at tinatapos na lang ang kanilang 14-day quarantine.

Loading…