“Juana Change” ibinahagi ang personal encounter kay John Lloyd Cruz sa pagbuo ng “The Great Dictator Speech”

  • Ibinahagi ni Mae P. Paner o mas tanyag sa taguring “Juana Change” ang kaniyang personal na engkuwentro kay John Lloyd Cruz
  • Napapayag niya kasi itong maging bahagi ng kaniyang panawagang maibasura ang Anti Terror Law sa pamamagitan ng video na “The Great Dictator Speech”
  • Matapos daw ng partisipasyon dito ng aktor ay lalo pang lumalim ang paghanga at pagmamahal niya rito

Isa sa mga hinahangaang artista ng Philippine Showbiz si John Lloyd Cruz na matagal-tagal na rin namang piniling “maisapribado” ang kaniyang buhay (bagama’t sinusundan-sundan pa rin siya ng media) nang maging magkarelasyon sila ni Ellen Adarna at mabiyayaan ng isang anak.

Kaya naman, para kay Mae P. Paner o mas kilala bilang “Juana Change,” isang malaking pribilehiyo na makapanayam at makaharap nang personal si John Lloyd, lalo na’t kung ang usapin ay hinggil sa mahahalagang isyu o usaping panlipunan.

Ibinahagi niya sa kaniyang Facebook post ang “personal encounter” niya sa aktor upang makuhanan ng video ang panig nito hinggil sa pagbasura sa isinabatas na “Anti Terror Law” kasama pa ng ibang mga sikat na personalidad. Pinamagatan itong “The Great Dictator Speech.”

Imahe mula sa Facebook account ni Mae P. Paner/Juana Change

Ayon sa kaniyang post, malaking pangarap daw ang mapagbigyan ng isang John Lloyd Cruz, bagama’t nakasama na niya ito sa ilang mga pelikula kagaya ng “Hele sa Hiwagang Hapis” ng direktor na si Lav Diaz.

“Pero sabi ko nga, how will I know unless I try. And try I did! Hindi easy dahil naging maingat si JL. Ilang linggo ang binilang ko para makuha ang sagot niya. Alam kong hindi ito madali. Lalo na sa isang John Lloyd Cruz. Panay ang inhale at exhale ko. Patience is a virtue,” saad niya.

Ibinahagi rin niya ang ilang mga karanasan sa pagtanggi ng ilang mga kapwa-artista na makapanayam niya hinggil sa mahahalagang isyu o usaping panlipunan. Marami kasi silang kinokonsidera, bagay na nauunawaan naman niya dahil sa trabahong kinabibilangan nila. Kaya naman, halos mapalundag umano siya nang makuha niya ang matamis na “oo” ng aktor. Hiningi pa raw ni JLC ang kopya niya ng naturang bill.

“After about a week of gentle reminders, he sent me what you now see on the video. Tumulo luha ko! Hindi dahil matagal akong naghintay at finally nasa kamay ko na ang video ng isang John Lloyd Cruz kundi dahil ang ganda ng pagka-deliver ni John Lloyd! Aktor na tumawid mula sa pelikulang kadalasan ay pang-entertain tungo sa katotohanang pinagdaraanan ng ating lipunan,” pahayag niya.

Image capture mula sa YouTube channel

Pagkatapos daw lumabas ang ginawa niyang video, kinumusta raw niya ang naging pakiramdam ni John Lloyd hinggil sa kaniyang ginawang panayam.

“Naramdaman ko na ang tunay na halaga ng paglaban ay nasa mismong akto ng paglaban at wala sa pagwawagi. Pinirmahan na ni Presidente ang bill. Pero hindi ko naramdamang natalo ako,” sagot umano ni John Lloyd.

Lumalim pa umano ang kanyang respeto at pagmamahal bilang tagahanga at kasamahan sa industriya para kay John Lloyd dahil sa ipinakita nitong husay at talino sa pagsagot sa mga isyung panlipunan.

Samantala, panoorin ang video ni John Lloyd Cruz na may pamagat na “The Great Dictator Speech” na ginawa ni Mae P. Paner aka Juana Change via YouTube channel.

Loading…