Kamara hinimok na ilabas ang opisyal na listahan ng kongresistang bumoto kontra ABS-CBN

Imahe mula Facebook - HoR
  • Hinimok ng isang kongresista na ilabas ng Kamara ang opisyal na listahan ng mambabatas na bumoto kontra ABS-CBN
  • Wala naman umanong dahilan para ilihim ito sa publiko
  • Karapatan din daw ng mga tao na malaman kung paano bumoto ang kanilang kinatawan

Hinihimok ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang liderato ng Kamara na ilabas ang opisyal na listahan ng kapwa niya mambabatas na bumoto para ibasura ang panibagong prangkisa ng ABS-CBN.

Para kay Zarate, wala naman umanong dahilan para panatiling lihim ang nasabing listahan. Karapatan din daw na malaman ng mga tao kung paano bumoto ang kanilang kinatawan sa Kongreso.

“No reason at all to withhold release of the list as it is part of an official public proceedings… The principles of transparency and accountability dictate that the public be informed how their representatives voted on this very crucial issue,” anang mambabatas.

Rep. Zarate| Imahe mula Facebook

Si Zarate ay isa sa 11 kongresista na bumoto pabor sa pagbibigay ng panibagong prangkisa sa Kapamilya network na kinabibilangan din nina Reps. Sol Aragones, Christopher de Venecia, Vilma Santos, Gabriel Bordado, Lianda Bolilia, Ping Tejada, Benny Abante, Stella Quimbo, Mujiv Hataman at Edward Maceda.

“Ultimately, we will be judged by our people, and history, for that matter by the choices we made on this very crucial issue in the midst of a severe crisis we are facing now,” wika ni Zarate sa panayam ng CNN Philippines.

Sa botong 70-11 noong Biyernes, tuluyang tinuldukan ng Kamara ang kapalaran ng ABS-CBN franchise matapos ang 12 na pagdinig; isa sa pinakamahabang pagdinig kaugnay sa prangkisa sa kasaysayan ng Mababang Kapulungan.

Imahe mula Facebook – HoR

Samantala, nanindigan naman si Speaker Alan Peter Cayetano sa naging desisyon ng Kamara para ipasara nang tuluyan ang ABS-CBN. Aniya, walang dapat sisihin sa nangyari kung hindi ang pamilya Lopez, na tinawag niyang ‘oligarch’, dahil umano sa mga paglabag nito sa batas lalo na sa usapin ng buwis sa pamamagitan ng pakikipagkutsabahan sa mga ‘political elite’.

“It wasn’t the government who shut ABS-CBN down, rather it was their owner’s playing fast and loose with our laws in the past decades, that made the shutdown inevitable,” ani Cayetano sa isang pahayag na inilabas sa Facebook.

Loading…