Kapag kailangan nawawala: Bakit nga ba tila naglalaho ang nail cutter kapag gagamitin mo na?

  • Trending ngayon online ang larawan ng nail cutter dahil sa kakaibang kakayahan daw nito
  • Ayon kasi sa isang post, may kakayahan daw ito na wala kapag kailangan mo na
  • Maraming netizen naman ang naka-relate at sumang-ayon sa nasabing post at nagbahagi ng kanilang mga karanasan

Mayroong hugot ang mga millennial na malalaman mo lang daw ang halaga ng isang bagay kapag ito ay nawala na sa iyong piling. Usapang pag-ibig man ito, pero maaari ding gamitin sa iba’t ibang sitwasyon dahil mayroong mga bagay na talaga namang kaiinisan at uubos ng oras mo kapag nawawala at kailangan mo na.

Isa sa mga ito ay ang panggupit ng kuko o nail cutter. Dahil sa liit nito, madalas na hindi ito nasisinop at sa kung saan-saan lamang napapatong. Kaya naman kapag gagamitin na, tiyak na madalas na hinahanap pa ito sa bawat sulok ng bahay.

Larawan mula sa The Idealist Facebook page

Sa isang Facebook post nga ng page na The Idealist, ipinakilala nila sa kanilang followers ang nail cutter bilang isang instrumento raw na may kakayahang maglaho kapag kailangan siya.

“An instrument which has ability to hide itself when we need it,” hayag ng page sa post nilang viral na ngayon at mayroon nang 26,000 reactions, 1,200 comments, at 11,000 shares.

Maraming netizens naman ang naka-relate sa nasabing post. Iba’t ibang lahi man o mga Pinoy, marami ang nagkasundo na totoo nga ang pinahayag sa post ng The Idealist. Sabi ng isang banyaga, nasa tatlong araw na raw niyang hinahanap ang kanilang nail cutter pero hindi pa rin niya makita.

Mayroon namang inabot ng tatlong linggo sa paghahanap ng kanilang panggupit ng kuko. Pero iyon pala, nakalagay lang sa lamesang madalas na nasa tapat niya. Malapit na raw tuloy siyang maniwala na talagang naglalaho ang mga nail cutter kapag gagamitin.

Larawan mula sa Freepik

Saad naman ng iba, sakto raw talagang mawawala ang nail cutter kapag kailangan nilang maggupit ng kuko bago pumasok sa eskwela. Nagiging sanhi pa raw ito minsan ng pagka-late nila sa klase dahil sa kahahanap.

Mayroon namang mga masisinop talaga at itinatagong mabuti ang nail cutter. Para din daw iwas hanapan, bumibili raw ang iba ng ilang piraso nito na nakalagay sa iba’t ibang sulok ng bahay.

Ikaw, naranasan mo na rin bang maghanap ng nail cutter kapag kailangan mo?

Loading…