Kawani ng Maynila na nagsauli ng bag na puno ng pera, pinuri ni Mayor Isko

Imahe screenshot mula sa Facebook ni Mayor Isko Moreno
  • Empleyado ng Manila City Hall nakapulot ng bag na punong-puno ng pera
  • Kahit walang nakakita, ibinigay nito ang bag sa kinauukulan
  • Nakatanggap ng papuri mula kay Mayor Isko Moreno ang nabanggit na kawani

Pinarangalan ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang isang empleyado ng Manila City Hall matapos umanong magsauli ito ng bag na punong-puno ng pera kamakailan.

Sa ginanap na flag ceremony nitong Lunes, kinilala ng alkalde ang tapat na empleyado na si Miguel Francisco, nakatalaga sa City Electrician Office sa ilalim ng City Engineer’s office.

Imahe screenshot mula sa Facebook ni Mayor Isko

“Kahit na tayo’y may kinakaharap na suliranin, bagay na ipinagmamayabang natin na mayroon pa ring kawani ng gobyerno na hindi natutukso at nagiging mabuting kawani ng ating pamhalaang-lungsod,” ani Yorme.

Ayon sa opisyal, si Francisco ay nakakita ng isang bag na punong-puno ng pera. Wala naman umanong nakakita subalit nagpasiya ang empleyado na ibigay ito sa kinauukulan.

“Yung pera na iyon, imbes na pag-interesan ni Miguel dala ng kahirapan ng buhay ngayon, wala namang nakakita…napulot lang niya pero umiral sa kaniya ang pagiging batang-Maynila,” wika pa ng alkalde.

Miguel Francisco| Imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko

Nanawagan din ang alkalde sa kung sinuman ang nawalan ng bag na may lamang pera ay maaari lamang makipag-ugnayan sa kaniyang tanggapan sa pamamagitan ni Ms. Weng Santiago upang patunayan na pag-aari nga niya ito.

Malaking halaga umano ang laman ng napulot na bag pero wala itong nakalagay na pangalan o address.

“Ang batang Maynila na may malasakit sa kapwa batang-Maynila,” dagdag pa ni Yorme.

Dahil sa katapatan ni Francisco, nakatanggap ito ng papuri mula sa alkalde sapagkat hindi nito pinag-interesan ang napulot na salapi sa kabila ng pagiging gipit sa buhay.

Video:

Loading…