Klasiko pero mabisa: Paglalagay ng pagkain sa plato o mangkok na may tubig, ginagawa mo ba para hindi langgamin?

  • Ibinida ng isang netizen ang klasiko ngunit mabisang technique sa pagsisigurong hindi lalanggamin ang pagkain
  • Ito ay ang paglalagay ng mga pagkain sa isang plato o mangkok na mayroong tubig
  • Maraming netizens naman ang nagpatotoo na ginagawa pa rin nila ang simple ngunit epektibong paraan na ito

Masisipag na hayop ang turing natin sa mga langgam dahil sa mga kuwentong pambatang narinig natin noon. Habang hindi pa raw tag-ulan ay nag-iipon na ang mga langgam ng pagkain. Ngunit para sa mga tao, kung minsan ay perwisyo ang pagsugod ng mga langgam.

Madalas na langgamin ang mga pagkaing nasa lamesa lalo na ang matatamis tulad ng asukal, mga palaman, at iba pang desserts. Para sa mga walang refrigerator, isang solusyong simple ngunit napakabisa ang ginagawa nila para iwas sa mga langgam—ang ipatong ang pagkain sa plato o mangkok na may tubig.

Larawan mula sa Facebook post ni Amor Fatum

Sa isang Facebook post ni Amor Fatum sa Facebook page na Philippine Simulation: Makabayan Posting, ibinida niya ang tagasigurong hindi lalanggamin ang mga pagkain sa lamesa, isang mangkok na may tubig ang pinaglalagyan ng peanut butter.

Dahil sa tubig, hindi na nagagawang mapuntahan ng mga langgam ang pagkain. Hindi kasi nakalalangoy ang mga maliliit na hayop na ito kaya naman siguradong ligtas ang pagkain. Kahit sa modernong panahon, ginagawa pa rin ito ng marami sa atin.

Biro pa ni Amor sa kaniyang post, ang istilo raw na ito ang nagsisiguro na hindi puputaktihin ng mga insekto ang pagkain simula pa noong 1500s o bago pa dumating ang mga mananakop. Dahil dito, agad na nag-viral ang nasabing post.

Sa kasalukuyan, mayroon na itong 62,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 400 comments, at 150,000 shares. Kanya-kanya namang komento ang mga netizen na ginagawa pa rin ang ‘mahiwagang technique’ na ito.

Stock photo

Ang ibang millennial, pinatotohanan na ginagawa pa rin ito sa kanilang bahay. Kung minsan nga raw ay patong-patong pa ang mga pagkain sa iisang magkok para talaga namang secured mula sa mga langgam.

Technique din ng mga nanay ito sa mga ulam na hindi na kailangang i-ref ngunit kailangan pang maiulam bukas. Wala raw tatalo sa klasikong paraan na ito dahil bukod sa nasa bahay lang ang mga kailangang gawin, ay talaga namang epektibo.

Ikaw, ginagawa mo bang ilagay sa mangkok o platong may tubig ang inyong pagkain upang hindi langgamin?

Loading…