Kongresista nanghihinayang sa buwis na ibinabayad ng ABS-CBN

Imahe mula sa ABS-CBN
  • Nanghihinayang ang isang kongresista sa buwis na ibinabayad ng ABS-CBN
  • Umabot sa P15.3-B ang buwis na naibayad na ng network sa loob ng tatlong taon
  • Tinawag naman itong ‘fake news’ ni Rep. Boying Remulla

Nanghihinayang ang isang mambabatas sa perang mawawala sa gobyerno kapag nabigong aprubahan ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN lalo na sa panahon ng pandemiya na naghahagilap ng pondo ang pamahalaan.

Sa ginawang pagdinig sa Mababang Kapulungan nitong Huwebes, naungkat ng mga mambabatas ang tungkol sa buwis na ibinabayad ng network. Iginiit ng abogado ng ABS-CBN na umabot na sa P15.3-B ang buwis na kanilang naibayad mula taong 2016 hanggang 2019, bagay na sinang-ayunan naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Rep. Mark Go| Imahe via Facebook

Ayon kay Baguio City Rep. Mark Go, malaking bagay ang kontribusyong buwis ng ABS-CBN sa kaban ng bayan lalo na ngayong bagsak ang ekonomiya ng bansa dahil sa pagkalugi ng ilang negosyo.

“This amount may not be as significantly as big as the others, but definitely it will have an impact to our country. The contributions that they have made will have a multiplier effect to the entire country,” giit ni Go.

Hiniling din ni Go sa kaniyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan na ibigay na ang prangkisa ng ABS-CBN para makatulong ang buwis nito sa ekonomiya ng bansa sa harap ng negatibong epekto ng pandemiya.

P15.3-B buwis ng ABS-CBN, ‘fake news’

Hindi naman sang-ayon si Cavite Rep. Jesus ‘Boying’ Remulla sa sinasabing mahigit P15-B ang buwis na naibayad ng ABS-CBN kahit pa pinatunayan na ito ng BIR.

Rep. Remulla| Imahe screenshot via Facebook Teleradyo

Ayon kay Remulla, hindi tamang sabihin na ito ang halagang ibinabayad ng network dahil kasama na rito ang buwis ng mga empleyado at artista.

Nagkamali umano ang ABS-CBN o ang BIR sa ‘pagbroadcast’ ng naturang halaga; isang maling impormasyon na sinakyan naman daw ng network.

“And when it is reported as news, although it’s fake news, sumasakay kayo sa glory ng fake news pagdating po sa pagbabayad ng buwis,” giit ng mambabatas.

Naungkat din sa nasabing pagdinig ang paggamit umano ng ABS-CBN ng subsidiary nitong Big Dipper Digital Content Design Inc. para makaiwas sa pagbabayad ng buwis; bagay na itinanggi naman ng abogado ng media outlet.

Loading…