Korina sa mga solon na tutol sa ABS-CBN franchise: “Di kaya sila kidlatin ng langit?”

Imahe mula sa Facebook ni Korina
  • Korina Sanchez naglabas ng damdamin laban sa mga kongresistang tutol sa renewal ng prangkisa
  • Handa naman umanong ayusin ng ABS-CBN ang kanilang pagkukulang
  • Pinaalala rin ng brodkaster ang ‘di mabilang na award na natanggap ng kanilang programa

Hindi napigilan ni Korina Sanchez ang kaniyang pagkadismaya sa mga kongresista na maaaring tumutol sa pagrenew ng prangkisa ng ABS-CBN network.

Sa kaniyang Instagram, inilabas ng beteranang brodkaster ang saloobin sa isyu.

“Wala mang mapatunayang violations, nagpapakumbaba ang pamunuan ng network at umaamin na wala namang kumpanya na perpekto. Wala,” ani Korina.

Imahe mula sa Instagram ni Korina

Dagdag ng Rated K host, bukas naman umano ang ABS-CBN sa pagtutuwid ng hindi perpekto at lalo namang hindi perpekto ang mga kongresista.

“Kung walang mapatunayang violations, at nagpapakumbaba pa rin ang network executives, ipagkakait pa rin ang franchise renewal at isasarado pa rin ang ABSCBN?” patuloy ni Korina.

“Di kaya sila kidlatin ng langit?” wika pa nito.

Sa isa pang Instagram post, binanatan din ng brodkaster ang mga kritiko ng istasyon na nagsasabing walang ‘ginawang tama’ ang ABS-CBN.

Aniya, ito ay pagkatapos ng 65 taong pamamayagpag sa broadcasting kung saan nakatanggap sila sa TV Patrol at Rated K ng hindi mabilang na award at tropeyo mula dito at sa ibang bansa.

Imahe mula sa Instagram ni Korina

“Parang nakakalimutan yata ito. Kung napakaraming parangal mula sa pinaka-prestihyosong mga organisasyon ang network, hindi nga ba’t patunay yan na In The Service of the Filipino ang pinaghirapan naming lahat na gawin?” tanong pa ni Korina.

Ano naman daw kaya ang tila napakalaking paglabag na ginawa ng Kapamilya network para pahirapan sila ng ilang miyembro ng Lower House Committee?

Inaasahang  magbobotohan na ang 46 na miyembro ng komite sa Mababang Kapulungan bago matapos ang araw ng Huwebes kung bibigyan muli ng prangkisa ang ABS-CBN o tuluyan na itong ipasasara.

Loading…