Libel case ni Sen. Tolentino vs. Ted Failon, ibinasura ng Court of Appeals

Imahe mula sa DZMM Teleradyo/ Sen. Tolentino Facebook
  • Ibinasura ng Court of Appeals ang kasong libel na isinampa ni Tolentino vs. Failon
  • Nag-ugat ang kaso sa documentary na inere sa programa noon ni Failon tungkol sa pagbili ng MMDA ng 18 motorsiklo
  • Nagpasalamat si Failon sa desisyon ng CA subalit wala pang inilabas na pahayag ang kampo ni Tolentino

Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang kasong libel na isinampa ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman at ngayon ay kasalukuyang senador na si Francis Tolentino laban kay Ted Failon at ilang staff ng kaniyang programa.

Sa desisyong inilabas ng Appelate court na may petsang Hulyo 7, ibinasura ng korte ang nasabing reklamo ni Tolentino laban sa Kapamilya broadcaster at inatasan ang Cavite Regional Trial Court (RTC) Branch 18 na itigil na ang pagdinig dito.

Imahe mula sa DZMM Teleradyo Facebook

Nag-ugat ang kaso sa isang documentary ni Failon tungkol sa kuwestiyonableng pagbili umano ng dating MMDA chairman ng 18 segunda-manong motorsiklo na gagamitin sa pagbisita ni Pope Francis sa Manila taong 2014.

Ipinalabas sa programang “Failon Ngayon” ang nasabing docu-series taong 2016 na siyang naging dahilan para magsampa ng kasong libel si Tolentino sa Tagaytay Regional Trial Court. Giit ng senador, nasira ang kaniyang reputasyon dahil sa nasabing alegasyon.

Muli itong ipinalabas sa pagtatapos ng kaparehong taon kaya nagsampa ng pangalawang kaso si Tolentino noong 2017.

Pinaboran ng Tagaytay prosecutor’s office si Tolentino para sa unang reklamo subalit ibinasura nito ang pangalawa.

Ang kaso ay dininig sa sala ni Judge Ethel Gutay na naglabas noon ng arrest order laban sa broadcaster. Idinulog ni Failon sa Department of Justice (DOJ) ang kaso na nagpasa ng motion para bawiin ang reklamo.

Sa kabila ng nasabing motion, ipinagpatuloy pa rin ng korte ang pagdinig kaya napilitang iaakyat ito ni Failon sa CA.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Francis Tolentino

Ayon sa desisyon ng CA na sinulat ni Associate Justice Pablito Perez, mayroong “grave abuse of discretion amounting to loss or excess of jurisdiction” sa ginawa ng trial court.

Nagpasalamat naman si Failon sa kinahinatnan ng kaniyang kaso.

“The decision speaks of free press rights. Ito ay tagumpay para sa lahat ng mamamahayag,” anito nang hingan ng komento. “Salamat sa mga kapamilya sa ABS-CBN na katulong natin sa pagtatanggol sa kasong ito. This is a bright spot during these dark days.”

Sa kasalukuyan, hindi pa naglalabas ng pahayag ang kampo ni Senador Francis Tolentino.

Loading…