Local lockdown posibleng ipatupad sa pagtatapos ng GCQ – Nograles

Imahe mula sa DOH Facebook
  • Posibleng ipatupad ang localized lockdown sa pagtatapos ng GCQ sa Metro Manila
  • Kailangan lang umanong maging mabilis ang aksiyon ng lokal na pamahalaan
  • Nakatakdang mapaso ang GCQ sa NCR sa darating na Miyerkules

Posibleng magpatupad ang lokal na pamahalaan ng targeted lockdown o local lockdown sa pagtatapos ng general community quarantine o GCQ; ito ay ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, co-chairman ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Sa panayam ng DZBB kay Nograles nitong Linggo, nilinaw ng opisyal na si Pangulong Rodrigo Duterte pa rin ang magdedesisyon kung mananatili sa GCQ ang Metro Manila o ibaba na ito sa modified GCQ (MGCQ).

Imahe mula sa Facebook – Karlo Nograles

Bibigyan lang umano nila ang Pangulo ng rekomendasyon na maaring ibaba na sa MGCQ ang NCR subalit kailangan ay mabilis ang aksiyon ng lokal na gobyerno oras na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

“The action should be swift, like a 14-day community quarantine for starters. So the mayor will really have to take localized action,” ani Nograles.

Subalit posible rin umano na manatili sa GCQ ang Metro Manila upang masanay muna ang mga tao at mga namamahala.

“We are giving two options here. It can be modified [general community quarantine], but the mayor must … really [act] fast, or another general community quarantine to give the mayor time to get used to it,” paliwanag ng kalihim.

Imahe mula sa MMDA Facebook

Inirerekomenda rin ni Nograles na huwag na muna mag-home quarantine imbes ay ipatupad ang facility quarantine upang maiwasang magkahawaan ang mga taong nakatira sa iisang bahay.

Nakatakdang mapaso ang GCQ sa Metro Manila sa darating na Miyerkules, ika-16 ng Hulyo. Inaasahang magbaba ng desisyon ng Palasyo upang malaman kung mananatili sa GCQ o ibaba sa MGCQ ang Kamaynilaan.

Loading…