Locsin binalaan ang US Embassy: ‘Sabah is not Malaysia’

Imahe mula sa Facebook ni Sec. Teddy Locsin
  • Binalaan ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin ang US Embassy dahil sa isang tweet
  • Mistula kasing pinalalabas ng tweet na sakop ng Malaysia ang Sabah
  • Matagal nang pinag-aagawan ng dalawang bansa ang Sabah na nauwi pa sa madugong stand-off noong 2013

Binalaan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang US Embassy matapos ang isang tweet kung saan pinalalabas ng huli na ang Sabah ay sakop ng bansang Malaysia.

Ang Sabah o North Borneo ay ang teritoryong pinag-aagawan ng Pilipinas at Malaysia simula pa noong panahon ni dating Pangulong Diosdado Macapagal. Ang gusot ay nauwi pa sa madugong stand-off noong Pebrero 2013 kung saan mahigit 70 katao ang nagbuwis ng buhay.

Screenshot mula sa Twitter

Ang babala ni Locsin ay nag-ugat sa isang tweet ng US Embassy na nagsabing: “@usaid_manila donated 500 hygiene kits to the @dswdserves  Region IX for use by returning Filipino repatriates from Sabah, Malaysia who arrived in Zamboanga City and Bongao, Tawi Tawi.”

Hindi ito pinalampas ng kalihim at kaagad na ni-retweet ang mensahe ng embahada na may kasamang babala.

“Sabah is not in Malaysia if you want to have anything to do with the Philippines,” ani Locsin.

Muli itong sinundan ng pangalawang tweet ng kalihim na nagsabing: “You better edit that announcement if you know what’s good for you.”

Screenshot mula sa Twitter

Hindi pa binabago ng US Embassy ang kanilang tweet at hindi pa rin ito naglalabas ng pahayag tungkol sa hindi magandang pagtanggap ng DFA secretary dito.

Ang silangang bahagi ng Sabah ay dating pinamamahalaan ng Sulu sultanate noong 17th at 18th century kabilang na ang ibangg teritoryo tulad ng Mindanao at Palawan hanggang sa lumagda ng kasunduan ang sultanate at ang North Borneo Chartered Company (NBCC), isang kumpanya ng Britanya noong 1878.

Hindi naging malinaw para sa dalawang kampo ang nabanggit na kasunduan na siyang naging ugat ng gusot sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa kabila nito, patuloy na iginigiit ng Pilipinas na sakop nito ang Sabah; bagay na hindi sinasang-ayunan ng Malaysia hanggang sa kasalukuyan.

Loading…