‘Love scam’ nauso nitong lockdown; publiko pinag-iingat ng BOC

Imaeh mula sa BERNAMA.com
  • Tila nauso ang ‘love scam’ nitong panahon ng quarantine, ayon sa BOC
  • Nakapagtala ang ahensiya ng aaabot sa 100 kaso ng ‘love scam’ sa loob lamang ng tatlong buwan
  • Pinag-iingat ng BOC ang publiko sa ganitong uri ng modus

Pinag-iingat ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko dahil sa dumaraming kaso ng ‘love scam’ lalo na nitong panahon ng quarantine.

Ayon sa rekord ng BOC, halos umabot sa 100 ang kaso ng ‘love scam’ na kanilang naitala nito lamang nagdaang tatlong buwan sa gitna ng pinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Lumalabas na sinamantala ng mga scammer ang kalungkutan at pagkabagot ng ilan nating kababayan habang naka-lockdown sa loob ng kanilang mga bahay.

Comm. Maronilla| Imaeh mula sa GMA News

Modus

Karaniwan umanong pinupuntirya ng mga scammer ang kanilang target sa pamamagitan ng pambobola sa kanila gamit ang social media.

Kapag nahulog na ang loob ng target na bibiktimahin at mayroon nang ‘pagkakaintindihan’, kunwari ay magpapadala ang scammer ng package na may mamahaling gamit o kaya ay malaking halaga ng pera.

Mautak daw ang mga scammer dahil gumagawa ito ng background check sa mga bibiktimahin upang malaman kung ano ang mga hilig o kinahuhumalingan nito base sa mga post sa social media.

Subalit sasabihin kinalaunan na naipit ang bagahe sa Customs at kailangang magbayad ng buwis para makuha ito ng target.

“‘Pag kinontak ‘yung biktima, sasabihin na naipit sa amin sa BOC at may kailangang bayaran para mailabas ang kargamento. Ang unusual is that napapapayag silang magbigay at magdeposito sa mga remittance centers,” ani BOC Asst. Comm. Vincent Maronilla sa panayam ng GMA News.

Sa isang kaso umano na kanilang inimbestigahan, umabot sa P100,000 ang nahuthot ng scammer sa biktima.

Imahe mula sa abcipi

Paano maiiwasan

Kapag ikaw ay may hinala na posibleng mabiktima ng ‘love scam’, kaagad putulin ang pakikipag-ugnayan sa mga taong ito.

Maaari ring kausapin ang mga kaibigan o kapamilya upang makahingi ng payo sa kanila. Importanteng pakinggan kung ano kanilang masasabi sapagka’t sila ang mga taong may malasakit sa kapakanan mo.

Kung sa tingin mo ay nabiktima ka na ng ganitong modus, kaagad ipagbigay-alam sa mga kinauukulan upang magawan ng aksiyon bago pa mahuli ang lahat.

Source :

GMA News, Remate, FTC

Loading…