Malakanyang nanawagang isantabi muna ang pulitika, tutukan ang COVID-19

Image by Harry Roque via Facebook
  • Nanawagan ang Malakanyang na isantabi na muna ang pulitika at magpokus na lamang sa COVID-19
  • Sabi ni Spox. Harry Roque, hindi ito panahon para mamulitika lalo pa’t may kinakaharap tayong malaking problema
  • Aniya, kung hindi kuntento ang mamamayan sa performance ng administrasyon ay maaari itong ipakita sa 2022 elections

Isantabi na muna ang pulitika at tutukan na lamang ang COVID-19, ito ang apela ngayon ng Malakanyang sa mga kritiko ng Anti-Terror Law at maging sa patuloy na pakikibaka sa COVID-19.

Imahe mula sa Facebook ni Atty. Harry Roque

Wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Uulitin ko lang ang panawagan ni Presidente, isantabi muna po natin ang pulitika. May panahon po para sa lahat, ngayon po tutukan po muna natin ang COVID-19.”

Pahayag niya, maaari raw ipakita ng sambayanang Pilipino ang kanilang discontent sa performance ng kasalukuyang administrasyon sa susunod na halalan sa 2022.

Pero ngayon ay hindi raw panahon para mamulitika lalo pa’t may kinakaharap tayong malaking problema.

“Doon sa mga namumulitika, eh huhusgahan po siguro sila ng taumbayan. Dahil ngayon po talaga hindi po iyan panahon. Antayin po natin habang papalapit ang eleksyon, pero sa ngayon tutukan muna natin itong COVID-19.”

Pagsisiguro naman ni Roque sa kontrobersyal na batas na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan, tanging mga terorista lamang ang hahabulin sa ilalim nito para mapangalagaan ang mga mamamayan.

Sa ngayon, aniya, mayroong mga legal remedies kagaya ng writ of habeas corpus at writ of amparo. Nagagamit ang nauna para mapalaya ang taong unlawfully detained samantalang proteksyon naman sa right to life, liberty at security ang pangalawa.

Nabanggit din nito na ang depinisyon ng terorista sa batas ay nanggaling mismo sa inisyu ng United Nations Security Council (UNSC).

Kung mayroon man umanong magaganap na pang-aabuso ay nariyan ang mga hukuman.

Photo from Pixabay

Loading…