Manila Water iginiit na tama ang bill ng isang konsyumer na nagkakahalaga ng P120K

Screenshot mula sa GMA News video
  • Iginiit ng Manila Water na walang mali sa kanilang billing sa isang bahay sa Taytay
  • Aktuwal na konsumo umano ito sa loob ng tatlong buwan
  • Umamin naman daw ang may-ari na nagkaroon ng leak sa linya

Walang mali sa water bill ng isang konsyumer mula sa Taytay, Rizal na nagkakahalaga ng mahigit P120,000 sa loob ng tatlong buawan; ito ang iginiit ng pamunuan ng Manila Water.

Magugunitang isang Peter Legaspi ang nagreklamo matapos matanggap ang bill sa tubig para sa bahay ng kaniyang tatay na umabot sa P120,829.38 para sa buwan ng Abril, Mayo at Hunyo.

Screenshot mula sa GMA news video

Hindi ito matanggap ng mga Legaspi dahil umaabot lang sa P200 ang kanilang konsumo buwan-buwan at pinakamataas na ang P1,000 kung mayroong leak ang kanilang linya.

Idinulog na rin ni Peter sa tanggapan ng Manila Water ang kanilang reklamo subalit pinanindigan ng water concessionaire ang naturang billing at pinapirma na lamang umano sila ng promissory note. Wala rin daw umano silang nakitang sira sa metro.

“Pero to think na from P1,000 bill na aabot ng P120,000, I think it’s absurd,” ayon kay Peter.

Sa pinakahuling ulat ng GMA News, muling iginiit ng Manila Water na walang mali sa naging billing nila sa bahay ng mga Legaspi.

Imahe mula GMA News video

Katunayan umano, pinuntahan mismo ng kanilang territory manager na si Mark Torres ang nabanggit na bahay upang magsagawa ng pagsisiyasat. Dito raw nila na-verify na ang billing ay base talaga sa aktuwal na konsumo mula Abril hanggang Hunyo.

“Mr. Torres went back the following day and was able to speak to Mr. Peter Legaspi and his father. It was then that Peter admitted that ‘Nagkaroon ng leak at kaka-repair lang namin,’” paliwanag ng Manila Water.

Ganun pa man, ayaw pa rin daw tanggapin ng mga Legaspi ang naturang billing kahit na binigyan nila ng option na gawing installment ang pagbabayad.

Loading…