Maraming magulang inilipat sa public schools ang mga anak para bawas gastos

Imahe mula sa DepEd
  • Libo-libong private school students nag-transfer sa public schools
  • Ayon sa datos ng DepEd ay umabot na sa mahigit 250,000 ang nag-transfer sa public schools para sa school year 2020-2021
  • “Bawas gastos” at “pagkakataong makaipon” ang katwiran ng mga magulang na inilipat sa pampublikong paaralan ang mga anak mula sa private school

Libo-libong mga magulang ang nagdesisyon na ilipat sa public schools ang mga estudyante nilang anak ngayong school  year 2020-2021.

Imahe mula sa DepEd

Sa datos ng Department of Education (DepEd) umabot na sa 250,539 ang bilang ng mga estudyante mula sa private schools na lumipat sa mga pampublikong paaralan. Kabilang dito ang 148, 852 sa elementary; 69,851 sa Junior High School; 26,183 sa Senior High School, at 5,698 sa Learners with Disabilities (non-graded).

“As of now, mga humigit kumulang 200,000 plus no ang naitalang nag-transfer from private, including local state universities and colleges, to public schools,” pahayag ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo.

Sabi ni DepEd Secretary Leonor Briones, ang dahilan ng pag-transfer ng libo-libong private school students sa public schools ay dahil naapektuhan ang kabuhayan ng marami dahil sa COVID-19 pandemic.

Aniya, kung muling gaganda ang takbo ng ekonomiya at magkaroong muli ng trabaho ang mga taong nawalan ng hanapbuhay ay posibleng kayanin ulit ng mga magulang na pag-aralin sa private schools ang kanilang mga anak.

Sa isang online community ng mga parents, naging mainit ang talakayan tungkol sa pagpili kung saan paaralin ang mga anak ngayong panahon ng pandemya – sa private school o public school?

Imahe mula sa DepEd

Sabi ng mga magulang na pinili ang public school, sayang lang ang ibabayad na tuition fee sa private school dahil ang mga magulang naman ang magtuturo ngayon sa mga anak nila dahil hindi pinapayagan  ang on-site o face-to-face learning.

Wala umanong kasiguruhan na makapagco-concentrate sa pag-aaral ang mga bata kapag nasa bahay kaya sayang lang ibabayad na tuition fee.

“Hindi ko alam kung makakapag-concentrate ang mga bata ‘pag nasa bahay. Pero sa public, libre ang tuition, libre ang modules na sasagutan ng mga bata. Kung sakaling ‘di man sila tumutok o maging sa ‘kin, walang panghihinayang na mararamdaman kasi walang tuition at librong binayaran,” ayon sa isang ina.

Imahe mula sa DepEd

Ayon naman sa isa pang nanay, pagkakataon na nila ngayon na makapagtipid at makaipon dahil sa kabawasan sa gastos dahil libre ang pag-aaral sa public schools.

Isang ina naman ang nagsabi na pinili pa rin niya na manatili sa private school ang anak upang hindi ito manibago at hindi na dumaan pa sa adjustment period. Same teacher at same classmates daw ang makikita ng anak sa online learning.

Loading…