
- Mas maagang biyahe ng mga bus ang apela ng mga commuters
- Maraming commuters ang lubos na naapektuhan ng suspensyon ng MRT-3 operations
- Ang suspensyon ay dahil sa 202 MRT personnel na nagpositibo sa COVID-19
Maraming mga pasahero ang lubos na naapektuhan ng suspensyon ng operasyon ng Manila Rail Transit Line 3 (MRT-3) na kailangang gumising ngayon ng mas maaga upang hindi ma-late sa trabahong pinapasukan.

Ikalawang araw pa lang ng suspensyon ng biyahe ng MRT-3 ay ramdam na ng mga commuters ang epekto nito sa kanilang pagbibiyahe.
Kuwento ng isang pasahero, alas-tres y media pa lang ng madaling araw ay nagtungo na siya sa pila ng P2P bus sa EDSA Taft. Siya ang una sa pila, ngunit mali ang inakala niyang alas-kwatro ng madaling araw ay may biyahe na ng bus.
Napag-alaman niyang 5:30 a.m. pa ang first trip. Tiyak daw na late na siyang darating sa trabaho na magsisimula ng alas-sais ng umaga.
Ganoon din ang nangyari sa mga pasahero sa pila ng MRT 3 bus augmentation sa North Avenue sa Quezon City. May mga pasaherong maagang dumating, subalit wala pang biyahe ang mga bus.
Ang sama-sama nilang panawagan ay magkaroon sana ng mas maagang biyahe ang mga bus.
Tiniyak naman ng Department of Transportation (DOTr) na tinutugunan na nila ang epekto ng suspensyon ng MRT 3 operations.

Sabi ni DOTr Assistant Secretary Albert Suansing, nag-deploy sila ng mga karagdagang bus units para sa MRT Bus Augmentation Program.
“Sa pagka-suspinde ng MRT-3, tinutugunan natin ‘yan ngayon. We have 90 buses na nakatugon sa MRT-3. Kung kukulangin ‘yan, dadagdagan natin ‘yan. Basta ang sinabi namin, ang tingin namin ‘yung 90 units sapat na ‘yan makaikot-ikot,” ani Asec. Suansing.
Ang suspensyon ng MRT-3 operations ay nagsimula noong ika-7 ng Hulyo at tatagal hanggang ika-11 ng Hulyo. Itinigil ang biyahe nito matapos magpositibo sa COVID-19 ang 202 MRT personnel kabilang ang ilang ticket sellers.
