Maynila bumili ng 3 bagong COVID machine na kayang mag-test ng 16,800 kada linggo

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Isko Moreno
  • Bumili ang Maynila ng tatlong bagong COVID testing machine
  • Ang makina ay nagkakahalaga ng P6-M kada isa
  • Mayroon itong kapasidad na 16,800 test kada linggo

Bumili ang Lungsod Ng Maynila ng tatlong bagong COVID-19 testing machine na may kapasidad na 50 tests kada oras o 16,800 kada linggo.

Ang magandang balita ay inanunsiyo ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa kaniyang Facebook page nitong Sabado, ika-11 ng Hunyo.

Ayon sa alkalde, unang isasailalim sa test gamit ang naturang makina ang mga doktor, mga nars at health workers sa Ospital Ng Maynila.

Imahe mula sa Facebook ni Yorme

“Makakapag-test ang mga ito ng 50 samples per hour. Uunahin natin ang lahat ng doctor, nurse, mga healthcare workers, starting with Ospital ng Maynila, para mapanatag sila,” wika ng alkalde.

Ang mga makina ay nakatakdang ipamahagi sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc at Ospital ng Maynila.

Ito ay nagkakahalaga ng P6 milyon bawat isa at itinuturing na isang ‘long-term investment’ ng lungsod dahil puwede rin itong gamitin para ma-detect ang ibang karamdaman tulad ng hepatitis, thyroid, ang big C at iba pang nakahahawang sakit.

Imahe mula sa facebook ni Yorme

“Even after the COVID-19 crisis, we can still use these machines for the benefit of our fellow Manileños. I think this is a good long term investment for us,” ani Yorme.

Ang pagbili ng naturang makina ay bahagi umano ng ‘action plan’ ng city hall para sugpuin ang coronavirus sa pamamagitan ng mass testing at early detection.

Magugunitang nagtayo ang Lungsod ng Maynila ng sarili nitong COVID-19 testing laboratory sa Sta. Ana Hospital kung saan matatagpuan ang Manila Infectious Disease Control Center.

Loading…