Maynilad customer na-shock sa higit P100,000 water bill na natanggap

Imahe mula kay Mr. Dominic Songco
  • Na-shock ang isang Maynilad customer sa P100,427.48 water bill na natanggap
  • Mataas na raw ang P2,000 a month nilang konsumo kapag gumagamit ng inflatable pool
  • Aminado ang Maynilad na nagkamali ang meter reader sa pag-input ng mga numero

Ikinagulantang ng isang Maynilad customer ang water bill na natanggap niya para sa dalawang buwang konsumo.

Imahe mula kay Mr. Dominic Songco

Ibinahagi ng customer na si Dominic Songco sa Facebook ang litrato ng water bill para sa billing period mula June 20, 2020 hanggang July 20, 2020. Nakasaad doon na ang current bill para sa nakonsumong tubig sa nagdaang buwan ay umabot sa P99,211.75 at ang previous unpaid amount na P1,215.73 para sa kabuuang P100,427.48 na dapat bayaran.

“Ano to Maynilad!!!? Inflatable pool lang gamit namin, pero ‘yung bill n’yo sa ‘min para kaming may resort. Maintindihan ko pa kung sa total amount due lang nagkamali, eh. Pero complete computation talaga, eh. Mukhang hyper yata taga-compute n’yo ngayon d’yan ha…hehe,” post ni Mr. Songco.

Sinabi niya na ang karaniwang monthly bill nila ay naglalaro lang sa P1,200. Mataas na ang mahigit P2,000 kapag gumagamit sila ng inflatable pool tulad noong nakaraang birthday ng anak niya.

Screesnhot mula sa GMA video

“Every month, naglalaro lang po sa  P1,200 ang aming bill. Ang pinakamalaki lang namin usually ‘pag ganyang may inflatable pool kami every summer, hanggang nitong July nag-birthday ang anak ko, P2,000 ang pinakamalaki,” aniya.

Matapos imbestigahan ang reklamo niya, agad namang inamin ng Maynilad na may mali sa reading ng metro.

Screesnhot mula sa GMA video

Ipinaliwanag ng tagapagsalita ng Maynilad na si Zmel Grabillo na isa lang itong isolated case sa 1.4 million customers nila. Marami umanong binabasang metro ang isang meter reader sa loob ng isang araw at nagkakaroon ng ganitong pagkakataon na mali ang naisusulat na numero.

Itatama umano ng kumpanya ang reading sa metro ni Mr. Songco. Tiyak raw na hindi aabot sa mahigit isandaang libong piso ang babayaran niya.

Loading…