Mayor Isko na-touch sa nagviral na taho vendor; ipinahahanap na

Screenshot mula sa Facebook Live ni Mayor Isko
  • Ipinahahanap na ni Mayor Isko ang nag-viral na taho vendor
  • Na-touch umano siya sa kabutihan ng puso ng vendor na namigay ng libreng tao
  • Pinasalamatan din ng alkalde ang vendor dahil sa ipinakitang kabaitan

Hindi makapaniwala si Mayor Isko Moreno sa ipinakitang kabutihan ng puso ng isang taho vendor na taga Quezon City na nagviral sa social media kamakailan dahil sa kaniyang kabaitan.

Magugunitang ibinahagi ng Philippine Star sa Facebook ang mga larawan ni Mang Gimmy Conod na namimigay ng libreng taho sa mga sasakyang nakapila sa may Bonifacio Shrine habang naghihintay sa free COVID testing ng lungsod ng Maynila.

Imahe mula sa Philippine Star – Facebook

Ayon sa post ng Philstar, naluluha pa si Mang Gimmy habang namamahagi ng libreng taho sa mga motorista. Nais lamang umano niyang makatulong sa gobyerno kahit man lang sa maliit na paraan.

Nitong Biyernes, ipinakita kay Mayor Isko ng kaniyang staff ang nasabing larawan.

“Oh talaga? Taga-QC siya? Wow…” ang di mapigilang reaksiyon ni Yorme. “Nakaka-touch naman ‘to.”

“Mga batang Maynila, sabi ko sa inyo eh. Pag nagmalasakit tayo sa tao, malasakit din ang makukuha natin. Pag minahal natin ang mga tao, pagmamahal din ang makukuha natin,” patuloy pa ng alkalde.

Hindi rin mapigil ni Mayor Isko ang paghanga kay Mang Gimmy dahil kahit hindi naman ito mayaman subalit nakuhang tumulong sa mga tao.

Imahe mula sa Philippine Star-Facebook

“Ako po with all honesty, speechless ako eh.Talaga pinapakain niya yung mga naghihintay?” anito.

Dapat umanong hangaan si Mang Gimmy dahil hindi lang puhunan ang kaniyang ipinamimigay kung hindi ang kaniyang kabuhayan mismo.

“Bakit? Gusto niyang maging bahagi ng solusyon sa suliranin natin sa pandemiyang COVID-19,” wika pa ni Yorme.

Dahil dito inatasan ni Mayor Isko ang kaniyang mga tauhan na hanapin si Mang Gimmy.

“Hanapin niyo ‘to. I wanna meet this guy. Pakisuyo lang,” aniya.

Nagpasalamat din ang alkalde sa kabutihang ipinakita ng taho vendor: “Thank you ha, Mang Gimmy kung nasaan ka man. Kung nanonood ka man. Thank you very much.”

Panoorin si Mayor Isko:

Panoorin din ang panayam kay Mang Gimmy ng GMA News:

Loading…