Mayor Zamora may alok na P3,000 sa mga COVID patients na magpapa-admit sa quarantine facility

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Zamora
  • Nag-alok ng P3,000 ang San Juan City para sa sinumang kusang papasok sa quarantine facility
  • Libre din umano ang pagkain, gamot at internet access sa pasilidad
  • Nais din ni Mayor Zamora na manatili muna sa GCQ ang Lungsod ng San Juan

May naghinhintay na pera sa mga residente ng Lungsod ng San Juan na nahawahan ng coronavirus at kusang magpapa-admit sa quarantine facility; ito ang ibinahagi ni Mayor Francis Zamora.

Ayon kay Zamora, hindi dapat itago ng COVID patient ang kanilang kalagayan sapagkat lubha itong mapanganib para sa komunidad. Tiniyak din ng alkalde na hindi pababayaan ng pamahalaang-lungsod ang sinumang kusang pumasok sa quarantine facility.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Zamora

“Hindi dapat itago na positibo kasi nagiging katumbas n’yan kakalat lalo ang virus. Sa San Juan, ‘di po kayo pababayaaan, wala ho kayong babayaran… May P3,000 pa para sa inyong pamilya,” ani Zamora.

Bukod sa perang matatanggap, libre din daw ang pagkain, gamot at internet access sa mga pasilidad ng lungsod.

Sa kabilang dako, itinaas din ng lungsod ang parusa sa sinumang lumabag sa health protocol tulad ng hindi pagsuot ng face mask at pagsunod sa social distancing at maging ang hindi pag-report sa mga COVID patient sa kanilang tahanan.

Imahe mula sa Facebook ni Mayor Zamora

Nilagdaan na umano ng alkalde ang City Ordinance 45 series of 2020 upang taasan ang nabanggit na parusang nagkakahalaga ng P3,000 hanggang P5,000.

“Before P1,000 for the first offense, P3,000  for the second offense and then third offense  P5,000. Now, immediately, it is P3,000 for the first offense and for second and succeeding offense, the fine is already P5,000 or violators may face three months imprisonment,” paliwanag ng opisyal.

Ibinahagi din ng alkalde na pabor siyang manatili muna sa general community quarantine (GCQ) ang kanilang lungsod dahil kailangang timbangin ang pangangailangan ng ekonomiya at ang kalusugan ng mga tao.

Nakatakdang ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Miyerkules kung mayroong pagbabago sa sitwasyon ng quarantine sa Metro Manila.

Loading…