Metro Manila posibleng ibalik sa mas ‘mahigpit na lockdown’ – Palasyo

Imahe mula sa DOH Facebook
  • Nahaharap sa mas istriktong quarantine ang NCR kapag hindi bumaba ang kaso ng COVID-19
  • Nasa ‘moderate risk level’ na umano ang kapasidad ng mga pagamutan sa NCR
  • Muling nagpaalala ang Palasyo sa publiko na makipagtulungan sa gobyerno

Nagbabala ang Malakanyang na posibleng ipatupad sa Metro Manila ang mas istriktong quarantine kapag patuloy na tumaas ang kaso ng coronavirus sa National Capital Region o NCR.

Nitong Lunes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nahaharap sa mas mahigpit na lockdown ang mga mamamayan sa NCR kung hindi bababa ang kaso ng COVID-19 at mapuno ang mga ospital sa mga lungsod na sakop nito.

Imahe screenshot via RTVM Facebook

“Pag lumala talaga at mawalan tayo ng critical care capacity o ‘di kaya ‘yung kanyang case doubling rate ay bumalik ulit sa dati na napaka-bilis wala po tayong alternatibo pero ‘yun nga po ang ating pinapakiusap sa ating kababayan pag tayo po’y bumalik sa mas istriktong quarantine eh, baka wala na po tayong hanapbuhay,” paliwanag ni Roque.

Nauna nang nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa naman puno ang mga pambulikong pagamutan sa Metro Manila bagama’t nasa “moderate risk level” na ito.

Nakatakda umanong makipagpulong ang DOH sa mga pamunuan ng ospital upang magkaroon ng pagtataya sa kasalukuyang sitwasyon.

Iginiit din ni Roque na ‘fake news’ ang lumalabas na balitang puno na ang mga ospital sa NCR at halos wala nang kama na magamit ang mga bagong pasyente.

Imahe mula sa DOH

“Ang critical care utilization po ng Metro Manila – at ito po ay kasama na iyong hospital beds, iyong ICU beds, iyong mechanical ventilator at saka mga isolation beds – ay nasa 63% or ito po ay moderate risk pa lamang,” anang tagapagsalita ng Palasyo.

Kailangan umanong makipagtulungan ang publiko upang mapababa ang kaso ng coronavirus sa pamamagitan ng palagiang paghuhugas ng kamay, paggamit ng face masks at social distancing.

Halos dalawang buwang nasa enhanced community quaranting (ECQ) ang Metro Manila bago ito ibinaba sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Noong nakaraang Hunyo 1, tuluyan nang ibinaba sa general community quarantine (GCQ) ang NCR upang bigyang-daan ang pagbabalik-trabaho ng ilang mga empleyado at ang pagbubukas ng mga pribado at pampublikong kumpanya.

Loading…