Mga barong-barong na nasa gilid ng riles ng tren sa Laguna ipinagiba

  • Ipinagiba at ipinabaklas ng PNR ang mga barong-barong sa gilid ng riles ng tren sa Cabuyao City, Laguna
  • Mapanganib daw kasi ang paninirahan sa naturang lugar
  • Katwiran ng mga residente, hindi makatarungan at makatao ang ginawang ito sa kanila lalo’t nahaharap ang bansa sa pandemya

Hindi na nakapalag pa ang mga residente sa tabi ng riles sa Barangay Uno at Dos sa Cabuyao City, Laguna nang gibain at baklasin ng mga tauhan ng Philippine National Railways o PNR ang kanilang mga barong-barong nitong Hulyo 23, 2020 kahit na ipinagbabawal ito sa panahon ngayon ng pandemya.

Ayon sa ilang mga residente, pakiramdam daw nila ay hindi sila itinuring na tao, at hindi raw sila pinakinggan sa kanilang mga pakiusap. Wala raw umanong pakialam ang mga tauhan ng PNR na nagbaklas sa kanilang mga bahay kung walang matitirhan o matutulugan ang mga naturang residente na matagal nang naninirahan sa gilid ng riles ng tren.

Public Domain Image

Tinatayang aabot sa 150 barong-barong ang ipinabaklas at ipinatanggal ng PNR dahil mapanganib umano ang paninirahan sa mga lugar na ito. Kaya nga lamang, pangunahing suliranin ng mga nawalan ng bahay kung saan sila titira, lalo na’t hindi pa rin naman humuhupa ang pandemya sa ating bansa.

Wala rin umanong tumanggap sa kanila na mga apartment na mauupahan dahil sa takot sa COVID-19. Pangamba nila, baka makasagap sila ng sakit kapag wala silang masisilungan. Noong Hulyo 15 pa nagsimula ang demolisyon sa kanila subalit ipinagdiinan ng mga residente na walang abiso sa kanila ang PNR; biglaan na lamang ang kanilang paglusob upang hindi na sila makatanggi pa.

Paliwanag naman ni PNR General Manager Junn Magno, nang malaman ng iba na makatatanggap ng entitlement at benefits ang mga informal settlers na matagal nang naninirahan doon, biglang nagsulputan ang ibang residente at nagtayo ng mga barong-barong upang makatanggap umano ng mga naturang benepisyo. Marami umano sa mga napaalis ang hindi kasama  sa kanilang listahan na bibigyan ng tulong.

Public Domain Image

“Mayroon kaming master list kung sino talaga ang informal settlers doon… kasama sa mabibigyan ng entitlement at benefits. Nabalitaan nila, biglang may nagpuntahan doon na mga tao, nagtayo ng illegal structures nila,” paliwanag ni Magno.

Iginiit naman ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi makatarungan ang ginawa ng PNR na pagpapa-demolish sa mga barong-barong na labag sa atas ni Pangulong Duterte.

Pahayag ni ni CHR Spokesperson Jacqueline de Guia, “Ayon sa batas ay dapat hindi nagsasagawa ng ano mang demolition or eviction sa panahon ngayon, lalo’t lalo na ang pangunahing direktiba ng presidente at ng pamahalaan ay masigurado na ligtas ang bawat Pilipino at magkaroon ng physical distancing.”

Samantala, wala pang balita kung saan dadalhin ang 150 pamilyang naapektuhan ng demolisyong ito sa gitna ng pandemya.

Loading…