Mga basurang plastic papalitan ng pera sa “Aling Tindera” waste-to-cash program sa Maynila

Imahe mula sa Plastic Credit Exchange
  • Plastic basura-palit pera project sinimulan sa Lungsod ng Maynila
  • Layunin ng proyekto na bigyan ng karagdagang kita ang mga sari-sari store owners at mga suki nila habang nakatutulong sila na mabawasan ang mga basurang plastic sa kapaligiran
  • Pinangunahan ni Mayor Isko Moreno at dating aktres Nanette Medved-Po ng Plastic Credit Exchange ang “Aling Tindera” waste-to-cash program

Nagsanib-puwersa ang Manila City government at ang isang non-profit organization na pinangungunahan ng dating aktres na si Nanette Medved-Po sa layuning mabigyan ng karagdagang kita ang mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila at mabawasan ang mga basura sa kapaligiran.

Imahe mula sa Plastic Credit Exchange

Kamakailan lang ay inilunsad ang “Aling Tindera” waste-to-cash program ng Manila City Government at Plastic Credit Exchange. Nagbigay din ng suporta sa programa ang Pepsico Foundation.

Sa ilalim ng programa, ang mga piling sari-sari store owners ay bibigyan ng puhunan upang magamit na pambili sa mga plastic wastes mula sa kanilang mga suki. Bibigyan din sila ng isang 20-footer container van na magsisilbing lalagyan ng mga plastic wastes na naipon.

May ipagagamit din na manual baler machine upang maayos na maitali ng bulto-bulto ang mga plastic wastes para maayos na maisalansan at madaling maibayahe ang mga ito.

Kapag puno na ang mga container vans ay hahakutin  ito ng mga recycling companies na partner din ng Plastic Credit Exchange.

Ayon sa director ng Department of Public Services ng Maynila na si Kenneth Amurao, lahat ng klase ng plastic ay tatanggapin sa “Aling Tindera” collection points.

Imahe mula sa Plastic Credit Exchange

“’Yung mga basura o plastik na akala niyo ay wala nang halaga ay mabibigyan ng halaga sa programang ito. Lahat ng klase ng plastik ay tatanggapin katulad ng mga plastic sachets, single used plastics, sirang tabo o timba at kahit mga gulong pa,” aniya.

Pinirmahan ni Mayor Isko Moreno at Nanette Medved-Po noong nakaraaang linggo ang isang memorandum of agreement na sa loob ng tatlong taon ay magtatayo ng 100 “Aling Tindera” collection points para sa 879 barangays ng Lungsod ng Maynila.

Imahe mula sa Manila City PIO

Loading…