
- Pinapayagan na ang mas maraming tao na makapagsimba sa mga lugar sa ilalim ng GCQ
- Hanggang 10% ng kapasidad ng simbahan ang maaari sa GCQ at hanggang 50% naman sa mga modified GCQ areas
- Ikinatuwa ng mga kaparian ang desisyong ito ng IATF na magiging epektibo sa July 10
Kahit limitado pa rin, ikinatuwa ng mga paring katoliko ang desisyon ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na payagan na ang mas maraming tao na makapagsimba sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

Simula sa ika-10 ng Hulyo, pinapayagan nang magpapasok ng mga mananampalataya na hindi hihigit sa 10% seating capacity ng simbahan. Matatandaang noong una ay hanggang sampung tao lang ang maaaring magsimba.
“Para naman po sa mga gusto nang magsimba, pinayagan din po ang religious gatherings pero hanggang 10 percent lang po at ito po ay epektibo sa July 10, 2020 sa areas na GCQ,” pahayag ng tagapagsalia ng Pangulo at ng IATF na si Harry Roque.
Tinawag ni Bishop Broderick Pabillo, ang Apostolic Administrator ng Manila Archdiocese, na isang “good development” ang desisyon ng IATF.
“This is a good development. There is a big difference between 10 persons and 10 percent,” anang Obispo.
Ang ginawang hakbang ng IATF ay isa raw magandang panimula para sa pagbubukas muli ng mga simbahan, ayon naman kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco.

Aniya, sinusunod naman ng Simbahang Katoliko ang mga health protocols na inilatag ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
“This is a good sign. We follow the government protocol in helping prevent the spread of coronavirus…physical distancing, taking the temperature of people before entering the Church, etcetera,” aniya.
Nagpasalamat naman sa Panginoon si Fr. Reginald Malicdem, ang rector ng Minor Basilica of the Immaculate Conception na mas kilala bilang Manila Cathedral.

“I have not yet seen the news. But if this is true, then salamat sa Diyos!” ani Fr. Malicdem na sinabi pang hihintayin nila ang instructions ni bishop Pabillo hinggil sa muling pagbububukas ng mga simbahan.
Hanggang 50% naman ng seating capacity ng simbahan ang papayagan sa mga lugar na nasa ilalim ng modified GCQ.