Mga mata dapat may proteksyon din vs COVID-19

Imahe mula sa freepik
  • Ang coronavirus ay maaari ding pumasok sa ating katawan sa pamamagitan ng mga mata
  • Dapat may proteksyon din ang mga mata dahil ang face mask ay ilong at bibig lang ang tinatakpan
  • Ipinapayo ng mga health experts ang pagsusuot ng goggles

Batay sa maraming pag-aaral na nagawa na, napatunayang malaki ang naitutulong ng face mask upang makaiwas sa iba’t ibang uri ng mikrobyo. Sa panahon ng COVID-19 pandemic, malaking tulong ito sa pagpigil ng pagkalat ng coronavirus.

Imahe mula sa Business Mirror

Napipigilan ng face mask na pumasok sa ilong at bibig ang mga mikrobyo mula sa respiratory droplets na maaaring galing sa kausap na umubo o bumahing, ngunit hindi nito nabibigyan ng proteksyon ang ating mga mata na maaari ding maging daan upang makapasok ang virus sa ating katawan.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), tatlo ang paraan ng pagkahawa ng coronavirus – close contact sa taong mayroon nito; mula sa respiratory droplets na nasa ere matapos bumahing o umubo ang taong mayroon nito, at ang paghawak natin sa bibig, ilong at mga mata natin matapos tayong humawak ng bagay na may coronavirus.

Batay sa pag-aaral na ginawa ng mga health experts mula sa University of Hong Kong, nadiskubre nila na ang SARS-CoV-2 o ang virus na sanhi ng COVID-19 ay mas matinding makapagbigay ng impeksyon sa mga mata kaysa sa ibang uri ng coronavirus gaya ng SARS-CoV na nagsasanhi ng sakit na SARS o Severe Acute Respiratory Syndrome.

Imahe mula sa CDC

Ipinupunto ng nasabing pag-aaral na ang COVID-19 ay makukuha kapag ang ating mga mata ay hinawakan ng kamay na kontaminado ng SARS-CoV-2 o natalsikan ng mga kontaminadong respiratory droplets.

Dahil dito, ipinayo ng  mga eksperto na kailangan ding bigyan ng proteksyon ang mga mata laban sa coronavirus.

Magagawa ito sa pamamagitan ng madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig o kaya naman ay gumamit ng rubbing alcohol upang maiwasan ang accidental transfer ng coronavirus.

Imahe mula sa The National Provisioner

Kung ikaw ay gumagamit ng contact lenses, ipinapayo na gumamit muna ng eyeglasses o sunglasses pero ipinaalala ng mga experts na hindi 100% ang naibibigay na proteksyon ng mga ito sa mata. Mas mainam daw ang paggamit ng goggles dahil wala itong puwang sa gilid na maaaring pasukan ng mikrobyo.

Dapat ding tandaan na kung kinakailangang kusutin ang mata, gumamit ng tissue sa halip na mga daliri.

Imahe mula sa freepik

Loading…