Mga nurse sa ICU at ward pagod na pero patuloy na nagpapakatatag para sa mga COVID-19 patients

Screenshot mula sa video ng Saksi
  • Napapagod na ang mga nurse sa ICU at ward ng mga ospital dahil sa patuloy na pagdami ng COVID-19 patients
  • Sa kabila ng pagod na nararamdaman pinipilit nilang magpakatatag alang-alang sa mga pasyente
  • Hiling nila sa gobyerno ay mas konkretong pagtugon sa COVID-19 crisis

Pilit nagpapakatatag ng mga nurse na nangangalaga sa mga COVID-19 patients sa mga intensive care units at wards ng mga pagamutan sa kabila ng tila walang katapusang pagod na nararanasan dahil sa patuloy na pagdami ng mga kinakapitan ng coronavirus.

Screenshot mula sa video ng Saksi

Ilang araw pa lang ang nakalilipas, inanunsyo ni Department of Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na nasa “warning zone” level na ang bed occupancy rate para sa mga COVID-19 patients sa buong bansa, samantalang sa Metro Manila ay mahigit 70% na ito at kinukonsiderang nasa “danger zone” na.

“Ang ibig sabihin ay malapit na ma-overwhelm ang health system natin, napapagod na ang mga doctor and nurses,” ani Usec. Vergeire.

Nitong Miyerkules, ika-29 ng Hulyo, ay umabot na sa 85,486 na ang total COVID-19 cases sa bansa. Ang 56, 528 sa mga ito ay active cases o kasalukuyang ginagamot. Ang mga bilang na ito ay inaasahan pang lolobo sa pagdaan ng mga araw batay sa pag-aaral na ginawa ng mga eksperto mula sa University of the Philippines.

Imahe mula s DOH

Kabilang sa mga biktima ng COVID-19 ay mga nurses na talaga namang nakaapekto nang lubos sa kulang na ngang bilang sa hanay nila para sa napakaraming pasyente.

“Simula kahapon hanggang ngayon hindi pa po ako nag-a-out. Thirty six hours duty na po ako. Ligo lang ang pahinga,” pahayag ng isang nurse na isinasantabi ang sariling kapakanan para sa mga pasyente.

Hindi na rin umano sila nakakakain sa tamang oras para lang magampanan ang kanilang duty.

Screenshot mula sa video ng Saksi

Isa pang pahirap sa kanila ang pagsusuot ng proteksyon gaya ng N95 mask at goggles na nagmamarka na sa balat ng kanilang mga mukha.

Anumang hirap ang dinaranas, batid nilang hindi iyon maikukumpara sa kalbaryong pinagdaraanan ng mga pasyente at pamilya ng mga ito kaya kahit patang-pata na ang katawan ay kailangan nilang pumasok at gawin ang sinumpaang tungkulin.

Ang hiling nila sa gobyerno ay mas konkretong mga hakbang sa pagtugon sa COVID-19 crisis.

Ibinahagi ng Saksi ang video ng kanilang hinaing:

Source :

YouTube, One News

Loading…