Mga pasyente ng COVID-19 na nasa bahay, ipasusundo ni Mayor Vico upang dalhin sa quarantine facilities

  • Ipasusundo ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga COVID-19 patients sa Pasig na nasa ilalim lamang ng home quarantine
  • Dadalhin sila sa nakatalaga at mas angkop na quarantine facilities upang mabigyan sila nang mas maayos na medikasyon
  • Umani naman ito ng papuri mula sa mga netizens

Ipinahayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Huwebes, Hulyo 16, 2020 na magkakaroon ng house-to-house approach ang lokal na pamahalaan ng Pasig sa paghahanap ng mga pasyenteng may positibong kaso ng COVID-19 na nasa ilalim ng home quarantine, upang mailipat sa mas angkop na quarantine facilities.

Ayon sa alkalde, sila mismo ang susundo at hindi nila dadakpin ang mga ito hangga’t walang ginagawang paglabag hinggil sa mga health protocols na ipinatutupad.

Public Domain Image

“Kami po ang susundo… Hindi po natin ipaaaresto. Unless talagang pasaway na or talagang nakikita nating umiikot-ikot tapos positive, hindi talaga sumusunod. Then we will take the appropriate action,” ayon kay Mayor Vico.

Aniya, sumusunod naman daw at napakikiusapan ang kaniyang mga nasasakupan. Ipinauunawa nila ang kahalagahan ng pagsunod sa health protocols upang hindi na dumami o lumobo ang mga taong maaaring maapektuhan ng pandemya.

“Pero ang nakikita ko naman po, basta masabi sa kanila nang maayos, ma-explain sa kanila nang maayos, sumusunod naman po ang mga mamamayan natin,” dagdag na pahayag ng alkalde.

Umani naman ito ng magagandang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Iyan ang mayor namin! Galing niya, mabait, at malumanay pang magsalita. Kudos, Mayor Sotto!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Iyan ang tunay na leader! Kung susunod o sumusunod po at napagsasabihan at nakikinig ang mga tao hindi po tataas ang case ng COVID-19! Dapat po magkaroon ng kaparusahan ang mga hindi sumusunod; kaparusahan na talagang kapupulutan ng aral! Matuto po tayong sumunod para malabanan ang pandemyang ito!”

Public Domain Image

“Mayor Vico, how to be you po? Paki-share naman po ang knowledge sa mga naturingang marurunong. Baka saka-sakaling mas maging effective ang laban natin sa CCOVID-19,” pahayag naman ng isa.

Ayon sa DOH, delikado na raw kung nasa ilalim ng home quarantine ang mga pasyenteng may COVID-19 kaya nararapat na dalhin na kaagad sa mas maayos at akmang quarantine facilities upang malapatan nang sapat at angkop na medikasyon.

Sa nagdaang mga survey, nakakuha ng pinakamataas na puntos si Sotto sa mga city mayors na may agaran at mabisang aksyon kontra COVID-19, bagay na hinahangaan hindi lamang ng mga Pasigueno kundi maging ng ibang mga mamamayang nakatira sa ibang lungsod.

Loading…