Mga residente ng Pangasinan nagulantang sa malakas na microburst; mga puno at post nabuwal

Imahe mula kay Muyyhen Salvoro
  • Malakas na microburst tumama sa Pangasinan
  • Natumba ang maraming puno at poste dahil sa lakas ng hangin na dala ng microburst
  • Ipinaliwanag ng Pangasinan PDRRMO kung ano ang microburst

Binalot ng takot ang mga residente ng ilang bayan sa Pangasinan nang gulantangin sila ng isang malakas na microburst  bago bumagsak ang malakas na ulan.

Imahe mula kay Muyyhen Salvoro

Nangagsibuwalan ang maraming mga puno at poste kaya nawalan ng kuryente sa maraming lugar sa  nasabing probinsya. Maraming istruktura rin ang nagtamo ng mga pinsala dahil sa lakas ng hangin ng  microburst na tumama doon dakong 6:18 ng umaga noong Sabado, ika-18 ng Hulyo.

Napuno ng mga komento ng mga residente ng Pangasinan ang Facebook post ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction management Office (PDRRMO) dahil sa pangyayari.

Ito ang ilan sa kanila:

“Sobrang lakas ng ulan at hangin dito sa Binmaley. Natakot ako, ginawa ko nagdasal sa mapagmahal na Panginoong Diyos.”

“Natumba ang aming puno at nawalan na rin kami ng kuryente magdamag.” 

“Nakakatakot lalo na po sa mga kagaya naming mahihirap, halos lumipad ang mga yero ng bubong namin.”

Imahe mula sa Pangasinan PDRRMO

Nagbigay ng paliwanag ang Pangasinan PDRRMO kung ano ang microburst. May taglay daw ito na malakas na hangin tulad ng sa mga buhawi, subalit hindi ito itinuturing na buhawi.

“Ang isang microburst ay isang downdraft (paglubog ng hangin) na bumababa sa lupa na nagreresulta sa isang marahas na pagsabog ng hangin sa lupa. Ito ay may taglay na hangin na umaabot sa 100 mile per hour ang bilis (katumbas ng halos 161 kilometro kada oras) na katulad sa ilang mga buhawi, bagama’t ang mga microburst ay hindi gaanong kinikilala bilang isang buhawi,” post ng Pangasinan PDRRMO.

Sinabi pa nito na karaniwang malakas ang tinataglay nitong hangin na kayang patumbahin ang mga puno. Ang laki o lawak nito ay kalimitang umaabot sa tatlong milya at umaabot ng mula 10-15 minuto ang itinatagal nito.

Imahe mula sa National Weather Service
Source :

Facebook

Loading…