Mga rider nagtulungan sa paggawa ng bahay ng dalawang matanda sa Samar

Imahe mula sa Facebook | Dennis Carolino
  • Kapit-bisig ang mga rider upang tumulong sa pagsasaayos ng bahay ng mga senior citizen sa Northern Samar
  • Bukod sa paggawa ng maayos na bahay ay binibigyan din nila ang mga tinutulungan ng relief goods
  • Bukas ang grupo sa mga donasyon upang mas marami pa silang matulungan

Nagtulungan ang grupo ng mga rider upang gawin ang bahay ng mga senior citizen sa Northern Samar.

Imahe mula sa Facebook | Dennis Carolino

Sa magkahiwalay na Facebook post ay ibinahagi ni Dennis Carolino ang pagtutulungan ng mga kasama sa JHS Rider Club at Club150i upang bigyan ng maayos na bahay sina Lolo Venerando Celespara at Lola Villanueva Durin.

June 28 nang sadyain nila ang bahay ni Lolo Venerando na gawa sa pawid at pinagtagpi-tagping yero.

Sa isang panayam sa Latest Chika ay ibinahagi ni Dennis na mag-isa na lamang sa buhay ang senior citizen kaya naman minabuti nilang tulungan ito.

“For two years, pinabayaan siya ng pamilya niya. Butas-butas na ‘yong bubong tapos ‘yong yero na ginamit para sa walling ay galing lang sa mga sobra-sobra. Yung haligi, maliit din, so posibleng masira kaagad,” aniya.

Sa loob ng walong oras ay hindi nagpatinag ang grupo sa ulan at araw upang matapos ang bahay at sila naman ay nagtagumpay. Nag-iwan din sila ng mga pagkain para kay Lolo.

“The day ends and we are exhausted, but helping the people you don’t know and seeing them happy is the greatest happiness in the world,” saad niya sa post.

Imahe mula sa Facebook | Dennis Carolino

Isa pa sa kanilang natulungan ay si Lola Villanueva. Gawa naman sa sira-sirang trapal, sako, kahoy, at yero ang kaniyang bahay.

Sa pagtutulungan ng mga rider ay nagawan ng mas maayos na tahanan si Lola at nakatanggap pa siya ng mga kasangkapan sa bahay at relief goods.

Ani Dennis tumatanggap sila ng donasyon upang makatulong pa sa iba. “We are open to any kind of donation to build more homes and to help more people,” aniya.

Loading…